Makikita ang kalidad at husay ng mga sasabak na baguhang manlalaro, na kinabibilangan ng mga matatangkad na Fil-foreigns, sa isasagawang dalawang araw na training camp upang makakuha ng slot sa ikatlong edisyon ng Philippine Superliga (PSL) sa Marso 6 at 7.

“The third edition of the Philippine Superliga (PSL) promises to be a slam-bang affair with the presence of newcomers who are out to prove that they are more than just beautiful faces,” sinabi ni PSL president Ramon “Tats” Suzara.

Nabatid kay Suzara na ilang Fil-foreigns, na nagnanais maging miyembro ng pambansang koponan, ang nakatakdang magpainit at magpasabog ng kanilang husay upang bigyan ng matinding hamon ang homegrown players sa PSL All-Filipino Conference na magbubukas sa Marso 21 sa Mall of Asia Arena.

“Matagal na pala silang nakikipag-communicate para mag-try-out at makapaglaro sa national team pero hindi sila nabibigyan ng tamang break. Hindi din sila nasasabihan kung may isasagawa bang try-out,” giit ni Suzara.

National

Enrile, 'tinakot' OFWs na sasali sa protestang 'Zero Remittance Week'

Nangunguna sa naggagandahang Fil-foreigners ang Fil-Swiss na si Jennifer Salgado at maging ang Fil-Americans na sina Alexa Micek, Kayla Williams, Maureen Loren at Iris Tolenada, na itinala ang kanyang marka bilang unang manlalaro ng San Francisco State University (SFSU) na nahirang bilang Most Valuable Player sa matinding kompetisyon sa California Collegiate Athletic Association (CCAA).

Makikipag-agawan ang mga Fil-foreign, bilang 2015 Top Draft Pick, kontra sa mga papaangat na manlalaro sa bansa na tulad nina Angeli Araneta ng University of the Philippines (UP), Pam Lastimosa ng University of Santo Tomas (UST) at Denise Lazaro ng Ateneo de Manila na kasalukuyang sumasabak sa UAAP.

Inaasahan din na sasabak sa natatanging club volleyball league sa bansa ang mula sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) na sina Rica Enclona, Janette Panaga, Janine Navarro at Michelle Segodine, na huling nakita sa aksiyon sa Adamson University (AdU).

“Our roster of talents this season is so deep that we have no idea who will emerge as top overall pick. Everything remains a mystery,” pahayag ni Suzara, na ranking executive sa Asian Volleyball Confederation (AVC) at International Volleyball Federation.

“But I’m sure all coaches are doing their homework. They are closely scouting their prospects and keeping an eye on potential star from outside the country. So do not be surprised if our third season out do our first two seasons in terms of competitiveness.”

Makikita ng mga coach at scouts ang mga bagong talento sa pagsasagawa ng liga sa pre-draft camp sa Marso 6 at 7 alinman sa Cuneta Astrodome o sa gymnasium ng Philippine Navy.

Gaganapin ang ikalawang PSL Annual Draft sa Marso 11 sa SM Aura o Glorietta Activity Center.

Anim na koponan sa kasalukuyan ang mag-aagawan sa draft na kinabibilangan ng Shopinas, Cignal, Foton, Petron, Philips Gold at Zesto. Kasalukuyan pa ring nakikipagnegosasyon ang nag-oorganisang Sports Core sa dalawang koponan na nagnanais maging miyembro na PLDT at Meralco.