Nasa bahagi na naman ng taon kung saan ang magsisipagtapos na mag-aaral at ang kanilang mga magulang ay nananabik sa commencement exercises. Sapagkat malaki ang pagpapahalaga ng ating mga kababayan sa edukasyon kung kaya malaki rin ang selebrasyon ng graduation. Kahit na ang mga nasa kindergarten ay makatatanggap ng kanilang mga certificate habang suot ang mga puting toga at mga motarboard na may tassel.

Sa loob ng maraming taon na, kinailangan ng Department of Education (DepEd) na mag-isyu ng mga paalala sa lahat ng paaralan na panatilihing simple at makahulugan ang graduation rites. Kailangang walang labis na paggastos, walang magagarbong kasuotan, walang ekstraordinaryong lugar ng pagdarausan. Walang graduation fees o kahit na anong uri ng kontribusyon na kokolektahin sa mga magulang.

Ito ay para protektahan ang maralitang pamilya mula sa mga gastusin na nanakaw lamang ng pagkain sa kanilang mga hapag-kainan; sapagkat nananatiling malaking problema ang kahirapan sa bansa. Sa kabila ng mataas na Gross Domestic Product (GDP) rates, ang benepisyo ng progreso ng ekonomiya ay hindi pa nararamdaman sa mga masang nasa ibaba. Ang kahirapan din ang pangunahing dahilan kung kaya maraming school dropout – na nasa 6% sa elementarya at 7% sa high school.

Kapag nagsimula na ang K-12 program sa buong bansa sa susunod na taon, ang karagdagang pahirap sa maralitang pamilya ay maaaring magpalala sa problema sa dropout. Sa kasalukuyang sistema gugugol ng anim na taon sa elementary school at apat na taon sa high school. Sa K-12 program gugugol ng isang taon sa kindergarten, anim na taon sa elementary, apat na taon sa junior high school, at dalawang taon sa senior high school – bago pa magkolehiyo ang estudyante.

Politics

Duterte, puwedeng palayain pansamantala habang dinidinig ang kaso pero may kondisyon —abogado

Ang dahilan para sa K-12, ayon sa DepEd, ay upang iangat ang edukasyon ng Pilipinas sa antas ng halos lahat ng bansa sa daigdig. May nakapagsabi na tayo ay isa sa tatalong bansa na nananatili sa 10-taon na basic education cycle, ang dalawa pa ay ang Angola at Djibouti. Itutuwid ng K-12 ang kakulangang ito – ngunit dadagdag ito sa gastusin ng maralitang pamilya na kahit ngayon ay nahihirapan na kompletuhin para sa kanilang mga anak ang sampung taon na basic education.

Ang paalala ng DepEd sa mga pampublikong paaralan sa bansa na panatilihing mababa ang gastusin sa graduation ay katanggap-tanggap, sapagkat ipinakikita nito ang pagsasaalang-alang sa maralitang pamilya. Ang mga pamilya ring ito ang haharap sa mas malaking problema sa K-12 program. Ang ating mga school at iba pang officials ay maaaring maglaan ng mas maraming panahon at pagsisikap na maghanap ng mga paraan upang matulungan sila pagsapit ng panahong iyon.