Nagpatupad kahapon ng oil price hike ang mga kumpanya ng langis sa bansa at ito na ang ikatlong beses na umarangkada ang dagdag-presyo sa petrolyo ngayong Pebrero.

Epektibo dakong 12:01 ng madaling araw nagtaas ang Flying V at Shell ng P1.00 sa presyo ng kada litro ng kerosene, P0.85 sa gasolina at P0.80 sa diesel.

Sumunod na nagpatupad ng parehong oil hike bandang 6:00 ng umaga ang Petron Chevron, Unioil at Seaoil.

Habang ang Total, Phoenix Petroleum at PTT Philippines ay nagdagdag lamang ng kahalintulad na presyo sa kanilang gasolina at diesel.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang price increase ay bunsod sa patuloy na pagtaas ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang merkado.

Nagsagawa kahapon ng noise barrage sa Cubao sa Quezon City ang mga kasaping transport leader ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) upang kondenahin ang bagong oil hike.

Tiniyak ng PISTON ang paglahok ng grupo sa pagkilos ng mamamayan sa anibersaryo ng EDSA sa Pebrero 25 at Pebrero 27 upang makiisa sa panawagan ng publiko para sa pagbibitiw sa puwesto ni Pangulong Benigno Aquino III.

Nabatid na galing pa sa Isabela, Baguio, Angeles sa Pampanga, Metro Manila, Capiz, Bacolod, Dumaguete, Cebu, Tacloban, Davao at General Santos ang mga nagprotestang lider ng PISTON na unang dumalo sa National Council Meeting ng grupo.

Iginiit ng mga ito na dapat magpatuloy ang oil price rollback, pigilin at ibasura ang mga labis na multa sa batas trapiko, phase-out at money-making schemes na pinapatupad ng gobyerno sa public transport sector na naglugmok sa kahirapan ng buhay ng mga driver at mamamayan.

Ayon kay PISTON president George San Mateo, sa Gitnang Silangan partikular sa Saudi Arabia nagmumula ang inaangkat na supaly ng petrolyo na dapat ay nasa P20 lang ang presyo ng diesel at P29 sa gasoline, batay sa laki ng ibinabang presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan mula pa noong Hunyo 2014.

“Malinaw na overpricing ang ginagawa ng “Big 3” (Petron, Shell, at Chevron). At ito ay dahil sa patuloy na pag-iral ng Oil Deregulation Law na nag-alis sa kapangyarihan ng gobyerno na makialam sa pagtatakda sa local petroleum prices,” pahayag ni San Mateo.

Naniniwala ang PISTON na hindi na dapat magtagal sa puwesto si Pangulong Aquino lalo na at nasangkot ito sa iligal na DAP Pork Barrel at sa US-sponsored Mamasapano Covert Operation na ikinamatay ng halos 70 katao, kabilang ang 44 PNP-SAF trooper, 17 MILF guerilla at mga sibilyan kabilang na ang isang bata.