KLINARO ni Richard Yap, aka Papa Chen/Ser Chief, sa Chinese New Year celebration niya para sa entertainment press noong Sabado sa Wang Fu Restaurant na hindi siya mukhang pera tulad ng sinasabi ng iba dahil umatras siya sa dapat sanang pre-Valentine show nila ni Ai Ai de las Alas noong Pebrero 12 sa Solaire Hotel.
Ang management ni Richard ang nagdesisyong hindi na siya tumuloy sa nasabing show.
Samantala, ipinakita ng producer na si Jacob Fernandez ang isang dokumento sa ibang mga katotong kumuha ng panig niya na kaya raw niya kinansela ang show ay dahil kulang sa preparasyon at 56 tickets lang ang naibenta at aasa sana sila sa walk-in, pero sa bandang huli ay dinesisyunang hindi na ituloy ang pre-Valentine concert ni Ms A.
May nagsabi naman na ang nasabing 56 tickets ay pawang fans daw ni Richard Yap at nang malamang hindi na kasama ang aktor ay nag-urungan at pilit nang inire-refund ang ibinayad.
“Kasi, people who bought the tickets were expecting to see me there, siyempre kung ako lang ang gusto nilang panoorin, siyempre magba-back out sila. Of course hindi mo ma-expect na manonood sila kung ayaw nila sa iba.
“I don’t think it was because of that, kasi I’m sure sina Ms. Ai has own audience naman, failure lang talaga buuin ‘yung concert kasi hindi nabayaran ‘yung venue, hindi nabayaran ‘yung mga tao, paano kayo magku-continue with the concert, saka hindi rin naman nila ibinalik ‘yung bayad, ‘yung iba nagrereklamo, hindi ni-refund. Mayroon din yata ni-refund, I’m not sure,” paliwanag na mabuti ni Papa Chen/Ser Chief.
Samantala, sobra-sobra ang tuwa ni Richard dahil pagkatapos ng successful kilig-serye nila ni Jodi Sta. Maria na Be Careful With My Heart ay may kasunod na uli siyang gagawing project at si Judy Ann Santos naman ang kasama.
Biniro nga namin si Mr. Yap kung ipina-feng shui ba ng management company niya ang mga makakasama niya sa project dahil magkatunog ang Jodi at Judy?
“Ha-ha-ha-ha, hindi naman, nagkataon lang,” sumakay namang sagot ng tsinitong aktor.
Habang iniinterbyu namin siya ay wala pang alam si Richard kung ano ang istorya ng teleserye nila ni Juday dahil this week pa lang daw ang story conference at ang alam lang niya ay ang magdidirek na sina Trina Dayrit at Onat Diaz mula sa Dreamscape Entertainment sa pamumuno ni Deo T. Endrinal.
Isang serye at dalawang pelikula ang gagawin ni Richard ngayong taon pero ayaw pa niyang banggitin ang detalye sa movies dahil bawal pa raw, pero nabanggit niya na ang isa ay si Direk Wenn Deramas ang magdidirek.
Bukod dito ay may tatlong restaurant siyang pinapatakbo, dalawang Wang Fu (sa El Terrazo at sa Tomas Morato) at ang J Luna sa may El Terrazo rin at may dalawa ibang branch pa.
“We just opened at UP Town Center and soon in Serendra (The Fort) this April, kung aabot,” nakangiting sabi ni Richard.
May pet store rin si Richard sa Parañaque City, sila raw mismo ang gumagawa ng dog shampoo na ibinebenta nila at iba pang accessories na kailangan ng mga alaga natin.
Tinanong namin ang handler niyang si Kate Valenzuela kung siya ang nag-suggest ng pet store kay Richard dahil mahilig din ito sa aso, “Hindi, si Sir Deo (manager niya), kasi di ba, marami siyang alaga?”
Samantala, sa estado ngayon ng aktor ay wala na raw siyang mahihiling pa kundi para sa mga anak na lamang niya na pareho pang nag-aaral, isang disiotso at isang labing-isang taong gulang.
“I want to see my kids to be successful on their chosen careers someday,” napangiting sabi ng aktor.
Okay na raw silang mag-asawa na dalawa lang ang anak at napag-usapan na raw nila iyon.
Masyadong seryoso ang interbyu namin kay Papa Chen kaya sinubukan ni Katotong Roel Villacorta na tanungin kung paano kino-control ng mag-asawa na hindi na madagdagan ang kanilang mga anak.
“Wala lang, we just do the right thing, no contraceptives, no whatever kasi mahirap kapag may iniinom ka, may ‘pinapasok sa katawan mo, it’s just natural,” seryoso pa ring sagot ng aktor.
Sa madaling salita, follow-up ng aming katoto, gumagamit ng condom o rhythm method si Richard.
At dito na natawa ang aktor na halatang nailang, “Ano...,” sabay natigilan, “basta, natural lang,” sambit niya.
‘Rhythm method’, hirit ulit ng Katotong Roel.
“Yes, yes,” nailing na sagot ni Richard.
Bakit natatawa ang aktor?
“Eh, kasi baka ‘yung mga nagbabasa mailing, ha, ha, ha,”
At humirit na rin kami kung may kumuha na kay Richard na mag-endorse ng underwear.
“Ha-ha-ha, wala pa naman,” humalakhak na sagot ng aktor na halos hindi na makita ang mata.
Kulit ulit namin, boxer shorts?
“Ha-ha-ha wala, wala,” tawa ulit ni Papa Chen/Ser Chief.
Kinuha naman si Richard ni Ben Chan para sa Bench Skin kaya wala siya sa mga damit dahil Giordano ang unang nakakuha sa kanya.
Samantala, tatlong taon nang magkakasunod na ang ginagawang Chinese New Year celebration na ito ng mag-asawang Richard at Melody Yap para sa entertainment press at may pa-raffle pa kaya naman hindi kataka-takang mahalin nang husto ng mga katoto ang aktor dahil marunong siyang magpasalamat.