OLONGAPO CITY – Matapos maantala ng halos dalawang buwan, isasalang ngayong Lunes sa arraignment proceedings sa Olongapo City Hall of Justice si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton, na itinuturong responsable sa pagpatay sa Pinoy transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude noong Oktubre.

Ayon kay Atty. Virgie Suarez, abogado ng pamilya Laude, noong Pebrero 2 itinakda ni Judge Rolie Ginez-Jabalde ang pagbasa ng sakdal laban kay Pemberton ngayong Lunes kung kailan isasagawa rin ang pretrial, preconference at presentasyon ng mga ebidensiya sa Olongapo Regional Trial Court (RTC) Branch 74.

Lumabas ang desisyon matapos maghain ang kampo ni Laude ng omnibus motion na humihiling kay Jabalde na iurong ang suspensiyon ng paglilitis at simulan na agad ang pagbasa ng sakdal laban kay Pemberton.

Inihain ang mosyon dalawang araw matapos katigan ng Department of Justice (DoJ) ang desisyon ng Olongapo City Prosecutors’ Office na kasuhan ng murder si Pemberton.

National

Pagkaltas sa budget ng edukasyon at kalusugan, 'di magandang pamasko —Aquino

“This (February 23) will certainly be a whole day affair,” pahayag ni Suarez.

Matatandaan na natagpuang patay ang 26-anyos na si Laude sa loob ng Celzone Lodge sa Olongapo City noong Oktubre 11, 2014 at ang itinuturong salarin ay si Pemberton, na kasalukuyang nasa kustodiya ng US Joint Military Assistance Group (JUSMAG) sa loob ng Camp Aguinaldo, Quezon City. - Jonas Reyes