HEART AT SEN. CHIZ

BUKAS na ang kasal nina Senator Francis ‘Chiz’ Escudero III at Heart Evangelista (Love Marie Ongpauco sa tunay na buhay) na sasaksihan ng mga piling kaanak at mga kaibigan sa Balesin Island Club sa Quezon Province.

Magpapakasal si Heart, na nagdiriwang ngayon ng kanyang 30th birthday, suot ang kanyang “dream come true” gown na idinisenyo ng Dubai-based Filipino couturier na si Ezra Santos. Magsusuot din siya ng Monique Lhuillier dress sa reception sa Maynila at isa pang disenyo naman ng car racer na si Mark Bumgarner para sa after-party.

Ito ang ikalawang pagpapakasal ni Senator Chiz, 45, na noong Hulyo 2012 ay inihayag sa telebisyon na naaprubahan na ang civil annulment sa kanyang unang asawang si Christine Elizabeth Flores. Ikinasal noong 1999, ang senador at si Christine ay nabibiyayaan ng fraternal twins, sina Maria Cecillia at Joaquin Cruz noong 2007. Pagsapit ng 2011, napaulat na idineklara ni Senator Chiz ang kanyang status bilang “separated-in-fact” sa kanyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN). Nasa kanya ang kostudiya ng kanilang mga anak.

Eleksyon

Kabataan Party-list, itutulak pagpapatalsik kay VP Sara

Opisyal na naging magkasintahan sina Senator Chiz at Heart noong Hulyo 2012, ngunit pagkatapos lang maisapinal ang church annulment ng senador noong Hulyo 2014, nag-propose siya ng kasal sa aktres, sa tahanan ng kanyang pamilya sa Sorsogon noong Agosto. Ang engagement ring ay pag-aari ng pamilya na nagmula sa ina ng senador.

“What do I like about her? The fact that she surprises me each time,” sabi ni Senator Chiz sa kanilang pre-nup video.

Para kay Heart, ang senador ay parang isang bata na madalas siyang patawanin. “I forget he’s a senator… We live such a normal life, we really enjoy every day of our lives together...”

Inosente ang simula ng love story ng celebrity couple.

Sa panayam ng Manila Bulletin noong Agosto ng nakaraang taon, ibinahagi ni Heart na hindi niya nakilala si Chiz nang una niyang makita sa isang restaurant sa The Fort noong 2007. “I instantly became a fan,” aniya, at inilarawan ang senador na “super crush” niya.

Kagagaling lang sa break-up, ipinakilala si Heart kay Senator Chiz ni Senator Miriam Santiago, na malapit na kaibigan ng aktres. Gumawa ng listahan ang senadora ng mga nais niyang maka-date ni Heart upang makalimutan nito ang kasawian sa pag-ibig.

Natatandaan ang pagkamahiyain ng senador, sinabi ni Heart sa kanyang ama na mabuting kaibigan si Senator Chiz. “I thought maybe he just likes hanging out with me, (for) conversation,” sabi ni Heart sa may-akda noong Mayo 2014. “I was surprised one time when he held my hand… I was confused. Before that he didn’t show any kind of interest.”

Umani ng iba’t ibang reaksiyon mula sa mga kaibigan at kaanak at maging sa madla nang ipaalam sa publiko ang relasyon ni Heart sa senador.

Sa isa pang panayam ng may-akda noong 2012, sinabi ni Senator Chiz, “If we’re always seen in public it’s because we want to be together, not because I want to help her in her career or to help me in my career because, to be fair to her and to me, we were established (in our respective fields) before we met.” Dagdag pa niya, “We are ordinary people with needs... to be with someone you would love and would love you in return.”

Lalo pang naging kontrobersiyal ang relasyon ng dalawa noong 2013 nang magpatawag ng presscon ang mga magulang ni Heart upang igiit ang kanilang pagtutol sa relasyon ng kanilang bunso sa senador.

Napanood ng publiko sa telebisyon kung paano ito iniyakan ni Heart; hiningi niya ang kapatawaran ng kanyang mga magulang kung inaakala ng mga ito na may mali sa kanyang ginagawa, at humagulgol na nakiusap na hayaan siya ng mga ito na gawin ang nais niya sa sariling buhay.

Fast-forward sa kasalukuyan, larawan ng kaligayahan sina Heart at Senator Chiz, patunay ang kanilang pre-nup pictures na kumalat online.

“I think if you really genuinely love each other, you also accept the bad side with the good,” sabi ni Heart sa panayam ng Manila Bulletin.

Maayos na ngayon ang relasyon ni Heart sa kanyang mga magulang, bagamat napaulat na hindi dadalo ang mga ito sa kanyang kasal bukas. Napaulat din na sa Japan magha-honeymoon ang mga bagong kasal.