NAGA CITY – Binabalot ng pag-ibig ang lungsod na ito na tinatawag na Maogmang Lugar (Happy Place). At dalawang araw bago ang Valentine’s Day ay inilunsad ng Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG) ang isang mass wedding sa Plaza Quince Martires sa siyudad na ito at pinangunahan ni Mayor John Bongat ang pag-iisang dibdib ng mahigit 56 na pares na nagpalitan ng “I do” para magsama habambuhay.
Para sa nationwide activity na ito ng Pag-IBIG Fund, na tinaguriang “I do, I do Sa Araw ng mga Puso”, sa Naga City ay 56 na pareha mula sa iba’t ibang bayan sa Camarines Sur ang ikinasal. Bukod sa libreng kasal, tumanggap din ang mga pareha ng libreng wedding rings, isang wedding reception sa Starview Hotel, at tsansang manalo ng bahay at lupa sa raffle ng Pag-IBIG.
Pero agaw-atensiyon sa lahat ng ikinasal ang pinakamatandang pareha na si Lolo Francisco Del Castillo, 104 anyos; at ang mahigit 30 taon na niyang kinakasama na si Lydia Perina, 74 anyos. Ang dalawa ay nagmula sa Barangay Panicuason, na nasa paanan ng Mt. Isarog.
Si Lola Lydia ay may walong anak sa una niyang asawa, habang pito naman ang anak ni Lolo Francisco sa una niyang kabiyak. Mayroon silang dalawang anak.
Kuwento pa ni Lola Lydia, si Lolo Francisco ang nag-alaga sa asawa niya nang magkasakit ito, dahil albularyo ang huli.