Minamaneho na ang proyektong “Express Bus” sa Metro Manila upang mapaluwag ang trapiko sa metropolis, ayon sa isang opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Sinabi ni Emerson Carlos, assistant general manager for operations ng MMDA, na ang 50 express bus ay walang tigil na papasada upang paginhawahin ang araw-araw na biyahe ng commuters.

“Magsasakay lang ang express bus, halimbawa, sa Ayala business center, at didiretso na sa isang lugar sa Quezon City,” pahayag ni Carlos sa programa sa radyo ng ahensiya.

Inihayag ni Carlos na may naumpisahan ng pag-uusap ang mga opisyal ng MMDA, Department of Transportation and Communication (DoTC) at Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa nasabing proyekto.

National

‘Hindi nag-eexist?’ Mary Grace Piattos, walang kahit anong record sa PSA

Isa sa layunin ng proyekto, ayon kay Carlos, ang hikayatin ang mga motorista na gumamit ng mga pampublikong sasakyan sa halip na gamitin ang mga pribadong sasakyan. Sa pamamagitan nito ay kakaunti lang ang bibiyahe sa mga kalsada sa Metro Manila.

Ayon kay Carlos, ipinanukala ng DoTC sa MMDA ang panukalang i-exempt ang mga express bus sa paggamit ng yellow lane at pahintulutan ang pagdaan ng mga ito sa mga underpass sa EDSA upang hindi maantala ng mga pampublikong bus ang biyahe nito.

Sinabi ni Carlos na ikinokonsidera ang biyahe ng express bus sa nag-uugnay sa mga business district sa Metro Manila, tulad ng Quezon City, Makati City, Taguig City, iba pa.