BAGUIO CITY- Kinulang sa diskarte.

Ito ang nakikita ng cycling experts kaya nakahulagpos ang pagkakataon kay Mark John Lexer Galedo na maging unang back-to-back champion sa Le Tour de Filipinas.

 Naagaw ng  29-anyos na si Thomas Lebas ng Japan-based Bridgestone Anchor Cycling Team ang titulo nang makisabay ito sa mga Iranian sa Stage Four na siyang naging decisive part ng apat na araw na karera na inihatid ng Air21 kung saan ay katulong ang Smart at MVP Sports Foundation.

Bahagi ng naging estratihiya ni Lebas ang pagbuntot sa mga Iranian na nagkasya na lamang na makuha ang stage honors. 

National

Padilla, Zubiri, pinaiimbestigahan status ng implementasyon ng amnesty proclamations ni PBBM

At kaparis ng kanyang inaasahan, nakamit niya ang titulo ng Le Tour, ang kanyang ikatlong kampeonato sa kanyang career kasunod sa pagwawagi niya sa Tour of Hokkaido (Japan) noong 2013 at Tour de International de Setif (Algeria) noong nakaraang taon.  

Nabura ni Lebas ang 4 segundong kalamangan ng dating namumunong si Eric Sheppard at 1 segundong lamang sa kanya ni Galedo bago ang last stage matapos niyang pumangatlo sa stage matapos ng dalawang Iranians na sina  Mirsamad Pourseyedigolakhour ng Tabriz Pereochemical at Hossein Askari ng Pishgaman Giant. 

Bagamat sinabi ni Galedo na kalkulado niya ang kanilang takbo, ‘di naman nila namataan ang pagsabay ni Lebas na sinikap nilang habulin ngunit huli na.

Gayunman, kahit tumapos lamang na runnerup, malaking karangalan pa rin ang nagawa ni Galedo at ng Pinoy riders na lumahok sa Le Tour lalo pa at ipinakita nilang kaya nilang sumabay sa mga world class rider na kumakarera sa mga malalaking padyakan sa Europa na gaya ng Giro de Italia.

Ngayon ay nakatakda namang paghandaan ni Galedo at mga kakampi sa PhilCycling national team, na nagtapos na ikalima kasunod ng Seven Eleven by Roadbike Philippines sa team classification nang dispatsahin ng Tabriz sa top spot sa last stage, ang paglahok sa Asian Cycling Championship sa Thailand sa susunod na linggo.