Hinding-hindi na mag-oofficiate ang mga opisyal at technical officials ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) matapos na subain at hindi mabayaran sa kanilang serbisyo kasama ang iba pang isports sa mga aktibidad na isasagawa ang Department of Education (DepEd).

 Ito ang napag-alaman mismo sa mga opisyales ng track and field kung saan kabuuang 60 katao kasama ang apat na electronic timer mula sa Philippine Sports Commission (PSC) ang hindi binayaran sa kanilang pagseserbisyo sa isinagawa sa bansa na ASEAN Schools Games noong Nobyembre 29 hanggang Disyembre 7.

“Pinangakuan kami na babayaran ng P7,000 kada isa para mag-officiate sa ASEAN Schools Games pero hanggang ngayon ay hindi pa kami nababayaran,” sabi ni Dominador Laboriante, na nagsilbi bilang technical official at recorder sa long jump, triple jump at high jump.

Sinabi ni Laboriante na pinapirma sila ng DepEd sa isang payroll pagkatapos mismo ng internasyonal na torneo na tampok ang mga kabataang estudyante mula sa rehiyon ng Southeast Asia subalit hanggang sa ngayon o apat na buwan na ang nakalilipas ay hindi man lamang inaatupag na bayaran ng kagawaran.

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS

Kasama ni Laboriante na hindi nabayaran ang mga opisyales ng PATAFA na si Secretary General Renato Unso na siyang tournament manager, Bienvenido Contapay na assistant tournament manager, Claro Pellosis na technical consultant, Romeo Sotto na field referee, Jesus Tubog na Track Referee at Janet Obiena na Chief Judge.

Napag-alaman pa kay Laboriante na nagdesisyon na rin ang mga opisyales na hindi na nito pamamahalaan ang darating na Palarong Pambansa na nakatakdang ganapin sa Tagum City, Davao Del Norte dahil sa patuloy na pagwawalang bahala ng pamunuan ng DepEd.

“Baka hindi na kami mag-officiate uli sa kanila (DepEd),” sabi ni Laboriante. “Last time sa Laguna, nagulat na lang kami na biglang hindi inaprubahan ang dapat namin na makuhang allowance. Sinabi na lang sa amin na iniutos ng COA na ganito lamang ang ibigay eh honorarium at food allowance lang. Wala para sa accommodation at transpo na kami pa ang nagbabayad para makarating sa venue.”

Una nang inireklamo ng International Chess arbiter na si Gene Poliarco ang biglaang pag-aalis sa kanilang dapat na kabayaran sa pamamahala sa larong chess sa Laguna Palaro kung saan ibinalik nito ang ibinigay na honorarium at food allowance mula sa DepEd.

Hindi lamang naman opisyales ng athletics ang nagrereklamo kundi pati na rin mga opisyales mula sa isinagawa na ASEAN Schools Games na pinaglabanan din ang larong wushu, volleyball, golf, badminton, basketball, gymnastics, swimming, table tennis, tennis, sepak takraw at pencak silat.

Itinakda ang kabuuang P80-milyong piso bilang pondo sa torneo na nilahukan ng 10 bansa kabilang ang host na Pilipinas.