Sa kabila ng brutal na pagpaslang ng magkasanib na puwersa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa 44 tauhan ng PNP Special Action Force (SAF), tiniyak ni Pangulong Noynoy Aquino na ipagpapatuloy pa rin ang peace process. Gayunman, nagbigay ng ilang kondisyon ang Pangulo sa MILF na pinamumunuan ni Chairman Al Haj Murad Ebrahim. Kabilang sa mga kondisyon ng Pangulo sa MILF upang ipakita nito ang sinseridad sa kapayapaan ay ang pagtukoy sa mga tauhan na sangkot sa Mamasapano massacre; ibalik ang mga armas; at personal nga mga gamit ng 44 SAF member, tulad ng mga cellphone. Noong Huwebes, dumating ang mga bangkay ng SAF members sa Villamor Air Base at ginawaran ng parangal.
Bukod dito, hiniling din ni PNoy sa MILF na huwag makialam habang tinutugis ng mga tropa ng gobyerno ang mga teroristang kabilang sa Jemaah Islamiyah na kinaaaniban ni Malaysian bomb expert Sulkifli bin Hir, alyas Marwan, at Basit Usman. Si Marwan ay may patong na $5 milyon sa ulo samantalang ang local terrorist na si Usman ay may premyo namang $1 milyon sa sino mang makahuhuli o makapapatay. Sa pahayag ni PNoy noong gabi ng Miyerkules matapos ang tatlong araw na masaker, medyo may kalabuan ang tugon niya sa katanungan kung may basbas niya ang SAF operations laban kina Marwan at Usman. Alam daw niya ang operasyon, pero hindi niya masagot kung sino ang nagbigay ng go-signal.
Nagdeklara siya ng pambansang pagdadalamhati simula noong Biyernes para sa pinaslang na 44 pulis na pawang kabataan na pag-asa ng pulisya at ng buong sambayanan. Leksiyon sa Mamasapano massacre: Huwag itago sa mga opisyal na dapat makaalam nito, tulad nina DILG Sec. Mar Roxas at PNP OIC Deputy Director Leonardo Espina, upang magkatulungan ang lahat. Iwasan ang pag-angkin sa kredito sakaling magtagumpay ang paghuli o pagpatay kay Marwan.
Maging ang mga senador ay naghahamon sa MILF na patunayan nito ang sinseridad sa kapayapaan sa pamamagitan ng pagsuko sa mga sangkot na tauhan sa sagupaan. Ang kahilingan ay ginawa nina Senate Pres. Franklin Drilon at Sen. Ralph Recto. Una rito, iniatras na nina Sens. Alan Peter Cayetano at JV Ejercito ang kanilang lagda para sa Bangsamoro Basic Law (BBL) sa katwirang kulang sa katapatan ang MILF, at hindi nito kayang kontrolin ang mga tauhan at BIFF.