Tinukoy kahapon ng Philippine National Police(PNP) ang tatlong kumander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na responsable sa pagpatay sa 44 na tauhan ng PNP-Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Ayon sa PNP, ang pagpaslang sa 44 sa PNP-SAF ay pinangunahan nina Zacaria Goma, Kagi Karialan at Waid Tundok.
Nabatid na si Goma ang commander ng 105th MILF Base Command habang si Karialan ay isang commander ng BIFF at si Tundok ay ground commander ng 118th Base Command.
Ipinaubaya na ng liderato ng MILF si Goma sa central committee kaugnay ng pamamaslang sa mga miyembro ng SAF.
Napag-alaman na si Goma ang itinalaga bilang kumander ng 105th Base Command, matapos na tumiwalag sa BIFF na pinamumunuan ni Ameril Umbra Kato.
Nakasagupa ni Karialan ang isang grupo ng mga SAF commando na nagsilbing blocking force.
Isinasangkot naman si Tundok sa pag-atake ng PNP-SAF na sumalakay sa kampo ng MILF.