BALANGA, Bataan- Nakatak-dang simulan ni Mark John Lexer Galedo ang pagdepensa sa kanyang titulo sa pagsikad ngayon ng prestihiyosong 2015 Le Tour de Filipinas sa lalawigan na ito.

Magsisimula ang karera sa pamamagitan ng 126 kilometrong Balanga Circuit.

Aminado ang 31-anyos na si Galedo na magiging mas matindi ngayon ang laban dahil sa presensya ng dalawang Iranian teams na pinangungunahan ng dating kampeon na sina Rahim Emami at Ghader Mizbani.

“Laban pa rin! Mahirap kasi malalakas iyong kalaban lalo na iyong Iranians pero tiwala naman ako na ‘di ako pababayaan ng aking teammates,” ani Galedo.

Rep. Chua, itinangging naungkat ang 'impeachment' sa kanilang fellowship sa Malacañang

“Pinaghandaan naman naming mabuti ito. Huwag lang magpabaya, kahit sino sa amin me tsansa,” dagdag pa nito.

Isusuot ngayon ni Galedo ang national colors bilang kapitan ng PhilCycling National Team na naghahanda para sa darating na Asian Cycling Championships.

Bukod sa national team, kakatawanin din ang bansa sa karerang ito na inorganisa ng Ube Media at inihahatid ng Air21 sa tulong ng MVP Sports Foundation at Smart ng continental team na Seven Eleven by Roadbike Philippines.

Kabilang naman sa 12 dayuhang koponan na kalahok ang Team Novo Nordisk ng USA, RTS Santic Racing Team at Attaque Team Gusto ng Taiwan, Singha Infinite Cycling Team ng Thailand, Navitas Satalyst Racing Team ng Australia, Pishgaman Yazd Pro Cycling Team at Tabriz Petrochemical Cycling Team ng Iran, CCN Cycling Team ng Brunei, Pegasus Continental Team ng Indonesia, Terrengganu Cycling Team ng Malaysia, Bridgestone Anchor Team ng Japan at mga national teams ng Uzbekistan at Kazakhstan.

Ang karera ay bahagi sa pagdiriwang ng ika-60 taon ng multi stage cycling race sa bansa at natatanging UCI sanctioned race na magtatagal ng apat na araw. Magtatapos ito sa Miyerkules (Pebrero 4) sa Baguio City.