Hangad na magkaroon ng iisang direksiyon para sa international basketball program ng bansa, pinalawak ng Samahang Basketbol ng Pilipinas-PBA search and selection committee na pinamumunuan ni SBP president Manny V. Pangilinan ang tungkulin ng bagong itinalagang Gilas Pilipinas coach na si Tab Baldwin.

Idinagdag sa responsibilidad ni Baldwin ang dalawa pang national teams na bubuuin para sa dalawang regional tournaments ngayong taon.

Si Baldwin na nahirang noong nakaraang Disyembre bilang kapalit ng dating coach na si Chot Reyes ay siya na ring magiging head coach ng national squad na sasabak sa darating na Southeast Asian Basketball Association (SEABA) tournament sa Abril at Southeast Asian Games sa Hunyo na idaraos sa Singapore.

“We expect Coach Tab to take off running as men’s national team head coach and that is why it is best he gets his feet wet early,” ani SBP executive director Sonny Barrios. “Aside from successfully defending our crowns at SEABA and SEAG, he is tasked at leading our men’s team to qualifying for the 2016 Rio de Janeiro Olympics by winning the FIBA ASIA Qualifying in Hunan.”

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

Ang naturang bagong appointment ang siyang kasagutan sa mga katanungan noong nakaraang Huwebes ng hapon kung bakit biglang sumulpot sa laban ng Cagayan Valley at Hapee sa PBA D-League si Baldwin kasama ang assistant coach na si Jimmy Alapag.

Ang SEABA competition sa Abril 27-Mayo 4 ay magsisilbing qualifying tournament para sa FIBA Asia Championship na gaganapin sa Setyembre 23-Oktubre 3 sa Hunan, China kung saan ang magkakampeon ang magiging kinatawan ng rehiyon sa 2016 Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil.

Ang SEABA at SEA Games teams ay bubuuin ng Gilas Cadets na pinangungunahan nina Keifer Ravena, Ray-Ray Parks at Garvo Lanete at ng 6-foot-11 naturalized player na si Marcus Douthit.

Ang 28th SEA Games, na halos dominado ng Pilipinas sa loob ng mahigit na tatlong dekada ay gaganapin sa Hunyo 6-16 na nagtatampok sa mga koponan na mula sa Indonesia, Malaysia, Thailand, Vietnam, Singapore, Myanmar, Laos at East Timor.

Isinilang sa Jacksonville, Florida ngunit nanirahan ng matagal sa New Zealand, si Baldwin ay nakapagmando na sa national teams ng Malaysia, New Zealand, Lebanon at Jordan kung saan ay inaasahang mabuo ang bagong Gilas team sa susunod na linggo.

Nakatakdang paghandaan ng Gilas ang William Jones Cup Invitational sa Taipei sa Hulyo at ilan pang foreign trips bago sila sumabak sa Hunan, China para sa target na Olympic slot.

Samantala, itinalaga naman si Patrick Aquino, ang coach ng UAAP women`s basketball champion na National University (NU) Lady Bulldogs, bilang bagong coach ng Philippine women’s team kapalit ng dating coach na si Haydee Ong habang nakatakda naman nilang ihayag sa susunod na araw ang bagong coach ng Gilas Under-16 kapalit si dating coach Jamike Jarin na siya ngayong head coach ng five-peat NCAA champion na San Beda Red Lions kapalit ni Boyet Fernandez, na coach ngayon ng NLEX Road Warriors sa PBA.

Nakatakdang ganapin sa Xavier University sa Cagayan de Oro City sa darating na Abril 10-21 ang SEABA U16 tourney, ang qualifier para sa FIBA Asia tournament sa Bangalore, India.