Babanderahan ng Southeast Asian Games gold medalists na sina Rubilen Amit, Iris Rañola at kasalukuyang World Junior 9-Ball champion Cheska Centeno ang kampanya ng Pilipinas na asam na makapag-uwi ng gintong medalya sa 28th SEA Games sa Singapore.

Napag-alaman sa dating World 10-Ball champion na si Amit na kabilang na sa national team ang 15-anyos na si Centeno na sasabak sa kanyang ikalawang pagkakataon sa internasyonal na torneo sa pagsargo sa SEA Games na gaganapin sa Hunyo 6 hanggang 16.

“Naging miyembro na siya ng national team noong manalo sa World,” sinabi ni Amit na dumalo sa PSC Sports Science ukol sa mga kababaihan. “Maganda ngayon dahil malakas na ang team pero nakakahinayang dahil inalis ng host Singapore ang ilang events na puwede tayong manalo.”

Nadiskubre sa Philippine National Games noong 2012 sa Bacolod City matapos na magtala ng ilang upset tungo sa kanyang pagwawagi sa unang tansong medalya, unti-unting umangat si Centeno bilang isa sa pinakamahusay na cue artist ng bansa.

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS

Dalawang gintong medalya lamang ang nakataya sa kababaihan sa 28th Singapore SEA Games 8-Ball at 9-Ball matapos na alisin ng host ang iba pang event na dating pinaglalabanan na 10-Ball, doubles at rotation.

Matatandaan na tinalo ni Centeno, mula sa Zamboanga City, para sa gintong medalya si Amit sa ginanap na women’s 10-Ball ng PSC-POC Philippine National Games noong 2014.

Napunta kay Amit ang ginto sa 9-Ball habang ang pilak napasakamay ni 2011 Southeast Asian Games double-gold medalist na si Rañola.