PANGKALAN BUN, Indonesia (AP)— Naiahon na ng mga diver ang ikalawang black box ng bumulusok na eroplano ng AirAsia mula sa ilalim ng Java Sea noong Martes, binigyan ang mga eksperto ng mahahalagang sangkap para mapagtagpi-tagpi kung ano ang nagpabagsak sa Flight 8501.
Napalaya ang cockpit voice recorder sa ilalim ng isa sa mga pakpak kahapon ng umaga sa lalim na halos 30 meters (98 feet), isang araw matapos marekober ang flight data recorder ng eroplano, sinabi ni Tonny Budiono, sea navigation director sa Transportation Ministry.
“Thank God,” aniya. “This is good news for investigators to reveal the cause of the plane crash.”
Ililipad ang device sa kabisera, ng Jakarta, upang mai-download at maanalisa kasama ang iba pang box. Dahil nakarekord ito sa loob ng dalawang oras na paglipad, ang lahat ng pag-uusap ng captain at ng co-pilot ay inaasahang maririnig.
Naglaho sa radar ang eroplano halos 42 minuto sa biyahe nito mula Surabaya City, Indonesia, patungong Singapore noong Disyembre 28. Patay ang lahat ng 162 kataong sakay nito, ngunit 48 bangkay pa lamang ang narerekober hanggang ngayon.
Ang impormasyon na makukuha mula sa mga black box — na kulay orange — ay magiging mahalaga. Dinisenyo para matagalan ang matinding init at pressure, magbibigay ang mga ito ng second-by-second timeline ng flight.
Masasagap sa voice recorder ang lahat ng usapan ng mga piloto sa air traffic controllers, gayundin ang anumang ingay na maririnig sa cockpit, kabilang ang posibleng mga alarm o pagsabog. Naka-save naman sa flight data recorder ang mga impormasyon sa posisyon at kondisyon ng halos lahat ng pangunahing bahagi ng eroplano, kabilang na ang altitude, airspeed, direction, engine thrust, ang bilis ng pag-akyat o pagbaba at ang saang anggulo nakatutok ang eroplano.