Naglabas na ng warrant of arrest ang Sandiganbayan laban sa isang dating presiding judge na nahaharap sa kasong graft at malversation matapos umano nitong ibulsa ang halos P1 milyon halaga ng bail bond sa loob ng walong taon.

Ipinaaaresto ng Sandiganbayan Fifth Division si dating Presiding Judge Agustin Sardido, ng Municipal Trial Court in Cities (MTCC) ng Koronadal City, at dating Clerk of Court Normandie Ines Sr.

“After a careful assessment of the records, the documents and other evidence submitted together with the Information of the above-entitled cases, the Court finds the existence of probable cause and so orders the issuance of a warrant of arrest against the accused,” saad sa resolusyon na may petsang Enero 5 at nilagdaan ni Chairman Rolando Jurado, at nina Associate Justice Oscar Herrera Jr. at Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta.

Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ni Supreme Court Administrator Atty. Jose Midas Marquez laban sa dalawa na inakusahan ng pagbubulsa ng P955,026 cash bail bond mula Setyembre 1993 hanggang Setyembre 2001, na naging malaking mantsa sa imahe ng hudikatura.

National

Paalala ng PWS para sa flu season: 'Do not kiss babies that aren't yours!'

Sa ilalim ng Court Circular No. 50-95, ipinaliwanag ng Ombudsman na awtorisado sina Sardido at Ines na magpalabas ng resibo, magdeposito sa bangko at mag-withdraw at magpalabas ng nakolektang bail bond bilang Court Judiciary Fund.

Subalit napatunayan ng anti-graft court na ilang ulit na hindi naglabas ng opisyal na resibo mula sa nakolektang bail bond.

Naniniwala ang Ombudsman na naibulsa ni Sardido ang P582,500 habang si Ines ay nakakuha ng P372,526 mula sa hindi inintregang piyansa. - Rey G. Panaligan