Muli na namang nasangkot sa krimen ang mga taxi driver matapos holdapin ng isa sa kanila ang isang negosyante sa Pasay City at pagkatapos ay dinala sa Caloocan City at doon ginulpi at pinagsasaksak, noong Linggo ng gabi.

Ginagamot sa Caloocan City Medical Center si Shao Leng Huz, 24, ng No. 17 Sta. Ana, Magallanes, Makati City, sanhi ng mga saksak sa dibdib, hita at pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Kuwento ng biktima, bandang 10:00 ng gabi pagkatapos niyang mag-shopping sa Mall of Asia sa Pasay City kasama ang ilang kaibigan ay sumakay siya sa taxi pauwi.

Pero hindi pa nakalalayo ang taxi ay nagpahayag na ng holdap ang driver saka siya piniringan sa mata bago kinuha ang kanyang mga gamit, pera at ATM card.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Tumanggi si Huz na ibigay sa suspek ang PIN code ng kanyang ATM card kaya pinagsusuntok siya at pinagsasaksak sa kaliwang hita at dibdib.

Bagamat duguan, nagawa pa ring makatalon ni Huz sa taxi na noon ay patungo na sa C-3 Road sa Barangay 28, Caloocan City.

Ilan sa mga residente roon ang nagmagandang-loob sa biktima at dinala siya sa ospital.