DALAWANG linggo bago ang kanyang pagdating sa Pilipinas sa Enero 15, sa isang homiliya noong Bisperas ng Bagong Taon, kinondena niya ang katiwalian sa city government ng Rome. Partikular niyang kinondena ang mga administrador na nambulsa ng pondo ng bayan na laan para matulungan ang maralitang migrante.
Waring nag-iisyu ang city government ng mga kontrata upang pakilusin ang migrant centers at mga kampo sa mga dakong labas ng lungsod. Ang mga opisyal ng lungsod at yaong mga binigyan ng kontrata ay nagbubulsa ng pondo sa halip na gamitin ang mga iyon sa pagpapaangat ng nanlilimahid na kondisyon ng mga kampo.
Bishop of Rome din ang Papa at marahil naniniwala siya na taglay niya ang lahat ng karapatan na batikusin ang mga opisyal ng kanyang lungsod. Maaari ngang hindi siya magbigkas ng anumang salita ng kritisismo laban sa mga opisyal dito, at sa halip tututok na lamang siya sa tema ng kanyang pagbisita na “Mercy and Compassion” para sa mga dukha.
Ngunit maaari rin niyang mapansin ang mga ulat ng walang patumanggang katiwalian sa bansang kanyang bibisitahin ngayong buwan. At ang ilan sa mga ito ay kinasasangkutan ng mga kontrata ng gobyerno sa mga pribadong grupo, kabilang ang mga non-government organization (NGO) kung saan ang bilyun-bilyong piso ay napunta sa mga pribadong bulsa.
Totoo ngang magugunita ang 2014 ng marami sa atin bilang taon ng gahiganteng salapi sa pork barrel na inilihis para sa mga proyekto ng mga NGO na hindi naman naipatupad. Kalaunan, idineklara ng Supreme Court ang pork barrel – na magalang na tinawag na Priority Development Assistance Fund (PDAF) – na unconstitutional dahil pinahihintulutan nito ang mga mambabatas na makialam sa implementasyon ng mga proyekto, na dapat sanang eksklusibong hurisdiksiyon ng ehekutibo.
Idineklara rin ng Supreme Court ang Disbursement Acceleration Program (DAP) ng executive department bilang unconstitutional dahil sa paggasta ng pondo ng bayan sa mga programang hindi aprubado ng Kongreso. Wala namang natuklasang katiwalian doon ngunit naroon ang posibilidad dahil sa kakulangan ng pahintulot at kakulangan ng lingat.
Maaari ngang prangkang kritiko ang Papa sa mga kondisyon at kagawian na para sa kanya ay hindi maka-diyos, ngunit isa rin siyang mapagkalinga at pinaka-maunawaing indibiduwal. At malamang din na tututok lamang siya sa kanyang relihiyosong misyon, ang makipagkita sa mga dukha at mga biktima ng super-typhoon Yolanda, at sa pagdiriwang ng misa para sa milyun-milyon katao na mangagkatipon sa Rizal Park. Alinsunod sa kanyang hayag na mga kahilingan, katiting lamang ang panahon niya para sa mga opisyal ng gobyerno.