Kinondena ng gobyerno ang sunud-sunod na pag-atake umano ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa mga tropa ng pamahalaan sa kabila ng umiiral ng ceasefire sa dalawang panig.
“We strongly condemn the pointless violence exercised by the CPP-NPA-NDF,” pahayag ni Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Deles.
Hinamon ni Deles ang NPA na maging tapat sa kanilang hangad na maibalik ang usapang pangkapayapaan kasama ang gobyerno.
“Kung talaga silang sinsero sa panawagan sa pagbabalik ng negosasyong pangkapayapaan sa gobyerno, hinahamon namin sila na gawin ang kanilang mga ibinibigkas at tigilan na ang pag-atake sa mga proyektong pangkaunlaran, sibilyan at hindi armadong sundalo ngayong holiday. Wala nang ibang daan patungong kapayapaan kundi kapayapaan din,” aniya.
Tinukoy ng opisyal ang insidente sa Paracale, Camarines Norte kung saan sinunog ng mga rebeldeng NPA noong Disyembre 22 ang mga heavy equipment na ginagamit sa konstruksiyon ng isang tulay. Sinunog din ng mga rebeldeng komunista ang isang sasakyan na pag-aari ng isang sibilyan sa Agusan del Sur kamakailan, pahayag ni Deles.
Noong Disyembre 23, dinukot ng mga rebelde sina Compostella Valley Provincial Jail Warden Jose Mervin Gementiza Coquilla sa Panabo City, Davao del Norte; at noong Disyembre 29 sa Sitio Barigyan, Brgy Candinuyan, Mabini, Compostela Valley, pinagbabaril ng mga rebelde sina 1Lt. Ronald Bautista, Pfc. Albert Amor at CAA Renel Baluca habang walang armas at pauwi sa kanilang pamilya.