Binira ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang Senado sa hindi raw pagtanggap nito ng kanilang subpoena para makuha ang mga kopya ng Closed-Circuit Television (CCTV) nang maganap ang insidente ng putukan noong gabi ng Miyerkules, Mayo 13, 2026.
Ayon sa naging pahayag ni Remulla sa segment nilang “Executive Session” nitong Sabado, Mayo 16, sinabi niyang nagkakaproblema raw sa pagkuha nila sa kopya ng mga CCTV sa insidente ng putukan dahil hindi raw tinatanggap ng Senado ang ipinadala nilang subpoena rito.
“Nagkakaproblema,” pagsisimula niya, “‘Yong aming process server ayaw namang tanggapin sa Senate.”
Dagdag pa niya, “Pero may notice na, e. Sinabi nga ni Alan Cayetano, dapat i-charge din si Matibag. Ibig sabihin, alam na rin nila na meron talaga silang suspensyon na—pero ayaw nilang tanggapin.”
KAUGNAY NA BALITA: Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca, suspendido ng 6 na buwan—Ombudsman
Ani Remulla, hindi raw niya maintindihan ang Senado dahil kahit hindi naman daw nito tanggapin ang subpoena nila ay maituturing pa rin daw iyong “served”.
“Hindi ko sila naiintindihan kasi sa akin, considered served na ‘yan kahit hindi nila tinanggap. May notice na sila,” aniya.
Buwelta pa ni Remulla, hindi raw nakakataas sa batas si Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca sa ginawa nitong warning shot mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI).
Paliwanag niya, tanging trabaho lang daw ni Aplasca na siguraduhin ang kaligtasan sa Senado at ipatupad ang mga ipinag-uutos doon.
“Look at the attitude, Sergeant-at-Arms ‘yan. Alam n’yo kung ano ang Sergeant-at-Arms? Security guard ng Senate ‘yan, e. Meron lang siya na binigay na title na ganiyan, pero in the end kung ano talaga ang trabaho niyan is to secure the Senate and to make sure that the rules are followed,” saad niya.
“Para mag-warning shot ka sa law enforcement, you think you are above the law. Nobody is above the law. I’m sorry. Kahit nagtatrabaho ka sa Senado, nobody’s above the law,” pagtatapos ni Remulla.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang Senado kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Jinggoy, ipinaliwanag utos niyang itago ang CCTV noong Senate shooting