SUSMARYOSEP! ● Kahapon, sa pagsabog ng bagong liwanag sa umaga, hindi na mahulugang-karayom sa siksikan ang mga pamilihang bayan. Minabuti kasi ng aking maybahay na maaga mamalengke upang hindi sumabay sa inaasahang bugso, laksa, at dagsang mamimili. Ngunit hindi yata magandang idea ang mamalengke ng umaga ng December 31, tulad din ng pamimili noong December 24 kung saan siksikan talaga sa mga palengke. At siyempre, kapag siksikan, maaaring uminit ang ulo mo sa situwasyon. Ang nakakapag-init ng ulo ay ang biglaang pagtaas ng presyo ng ilang pangunahing items sa palengke tulad ng karne, baboy, manok, at ilang gulay din. Sapagkat ako ang taga-bitbit ng pinamili ng aking maybahay, wala akong magawa kundi ang mag-react sa mga presyong sagad sa langit. “Susmaryosep!” iyon na lang ang nasasabi ko sabay iling-iling. Hindi talaga makatarungan ang pagtataas ng ilang palengke items. Anang isang tindera, hindi naman ipinipilit sa mamimili ang presyo; kung hindi mo kaya, huwag kang bumili. Mabuti na lamang, praktikal ang mahal kong maybahay. Masarap ang aming Media Noche ngunit hindi ganoon kamahal.
***
BRRRRR... ● Pumalo sa 11.8 degree Celsius ang temperatura sa Baguio, ang pinakamababa ngayong buwan. Masayang-masaya ang mga turista at marami nating bakasyunistang kababayan sa pamamasyal sa Burhham Park at iba pang world-class tourist spots sa naturang lalawigan kahit nangangatog ang kanilang tuhod, kalamnan, at mga ngipin sa sobrang lamig. Ayon sa mga awtoridad, inaasahang lalo pang bababa ang temperatura sa Baguio City sa mga unang linggo ng Enero.
***
AIR ASIA ● Natagpuan na umano ang nawawalang eroplano ng AirAsia; at ito ay nasa ilalim ng Java Sea na malapit sa Indonesia. Naglutangan sa dagat ang ilang bahagi ng eroplano at may anim na bangay: tatlo ang babae. Isa sa mga babae ay ang flight attendant ng minalas na pampasaherong eroplano. May ilang bansa, tulad ng Singapore, ang tumutulong sa paghahanap ng mga nawawalang pasahero. Napakahirap nitong dalhin para sa mga apektadong pamilya, lalo na ngayong nagsisimula na ang bagong taon. Isama natin sa ating mga dalangin ang mga pumanaw at bigyan din ng tibay ng dibdib ang mga naiwan.