Napanalunan nina PBA-Smash Pilipinas national player Ros Leenard Pedrosa at `child wonder’ na si Jewel Angelo Albo ang kani-kanilang titulo sa national finals ng Sun Cellular-Ming Ramos National Junior Badminton tournament na ginanap sa SM North EDSA Annex kamakailan.
Pedrosa, na representante ng Luzon, ay nagpakitang gilas sa two-day round robin format nang walisin ang kanyang dalawang laban kontra Emilio Mangubat ng Visayas, 21-15, 16-21, 21-13, at Alem Palmanes ng Mindanao, 21-15, 21-15, upang ibulsa ang titulo sa boys’ singles Under-19 division.
“I’m very thankful to the PBA and to Sun Cellular for holding a competitive national junior tournament like this. It gives us new a challenge and excitement,” sabi ni Pedrosa, na nasungkit din ang U-19 title sa Luzon leg ng patimpalak noong Hunyo sa Makati City.
Si Albo, na kinukunsiderang future national badminton player ng nakararami, ay ginapi naman si Lyrden Laborte ng Visayas, 21-15, 21-23, 21-11, at Michael Jastine Perez ng Mindanao, 21-6, 21-7, upang angkinin ang boys’ Under-13 singles title.
Samantala, sumandal si April Dianne Bibiano ng Bacolod City sa kanyang mabibilis na service attacks upang talunin ang national junior player na si Sarah Joy Barredo ng Luzon, 21-11, 21-15, at Janine Peligrino ng Mindanao, 21-18, 21-12, upang selyuhan ang girls’ Under-19 singles crown.
Ang torneo ay suportado ng Sun Cellular, SMART Communications, Manny V. Pangilinan (MVP) Sports Foundation, PBA Smash Pilipinas, Prima Pasta, Rocktape Philippines, Babolat, at Forthright Events.
Ang kumpetisyon ay sanctioned ng Philippine Badminton Association (PBA) at bahagi ng Philippine National Ranking System.