Naniniwala ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na maraming problema na hindi natugunan ng pamahalaan sa taong 2014, ang bubungad at haharapin ng mga Pilipino sa pagpasok ng Bagong Taon 2015.

Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs chairman at Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, hindi magiging madali ang haharaping suliranin ng mga Pinoy sa taong 2015.

Tinukoy niya ang napipintong pagtaas ng pasahe sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT), mataas na singil sa tubig at kuryente, matinding trapik, laganap na katiwalian sa Conditional Cash Transfer (CCT) program at sa National Bilibid Prison, hindi pagsasabatas ng Freedom of Information Bill, problema sa mining, palpak na pagpapatupad ng land reform, laganap na demolisyon sa Metro Manila, Bangsamoro Basic Law, usapin sa West Philippine Sea at Visiting Forces Agreement. Sinabi ng obispo na kahit ipagyabang ng pamahalaan ang pagtaas ng Gross Domestic Product ay hindi ito nararamdaman ng ordinaryong Pilipino dahil laganap pa rin ang kahirapan sa bansa.

Gayunman, sa kabila ng susuunging problema sa taong 2015, may pinakamagandang balita at grasya na matatanggap ang mga Pilipino at ito ay ang nakatakdang pagbisita sa bansa ni Pope Francis sa Enero 15-19 na magbibigay pag-asa at pagkakaisa sa mga Pilipino.

ALAMIN: Pagbabago sa holiday schedule sa ilang public transportation sa Metro Manila