Dalawang rounds lamang ang kinailangan ni Philippine lightweight champion Rey Labao para mapabagsak si dating OPBF super featherweight champion Masao Nakamura kamakailan sa Osaka, Japan.
Batid ni Labao na mahihirapan siyang magwagi sa puntos sa Japan kaya nagpakawala siya ng mga kombinasyon laban sa knockout artist na si Nakamura sa 2nd round.
Bumagsak ang Hapones sa matinding kaliwa ni Labao at nahirapang makabangon kaya napilitan ang referee na itigil ang laban eksaktong 1:18 ng nasabing round.
Napaganda ni Labao ang kanyang rekord sa 27-6-0 win-loss-draw na may 18 pagwawagi sa knockouts samantalang bumagsak ang kartada ni Nakamura sa 18 panalo, lahat pawang sa knockouts at 2 talo.
Si Labao ang ikalawang lightweight boxer ng Pilipinas na nagwagi sa Japan matapos umiskor ng panalo si Ricky Sismundo nang talunin sa 8-round split decision si Shuhei Tsuchiya sa Korakuen Hall sa Tokyo noong nakaraang Nobyembre 28.
Sa naitalang panalo, sinuman kina Labao at Sismundo ay maaaring hamunin si reigning OPBF lightweight champion Masayoshi Nakatani na isa ring Hapones.