HABANG nagdidilig ako ng mga halaman sa munti kong hardin sa aming maliit na apartment kahapon, doon ko na lamang na-realize na marami na pala akong dinidiligan. Noong unang tumira kami sa apartment mahigit dalawang dekada na, nagsimula ako sa apat na palmera na inilagay ko sa malawak na espasyo sa loob ng aming bakuran. Nang mapansin kong yumayabong ang mga palmera, bumili ako ng apat pa at ilang uri ng mga halaman.

Hindi ko masabi kung anong araw o taon na nagkaroon ako ng interes sa paghahalaman; basta na lang akong nagkahilig sa pag-aalaga ng mga iyon. May kung anong hiwaga ang mga halaman para sa akin kung kaya gumagaan ang aking pakiramdam sa tuwing nagdidilig ako at nakikita kong lumalago ang mga iyon. Ngayon, malalago na ang mga halaman ko at patuloy pang lumalago. Nakapupukaw na ito ng pansin ng aking mga panauhin, mga kapitbahay, at mga napapadaan sa tapat ng aming bahay. Batid kong nagpapasalamat sa akin at sa ulan at araw ang aking kulay-luntiang mga kaibigan dahil sa pagkalingang kanilang tinatanggap araw-araw.

Bilang mga Kristiyano, tayo rin ay parang mga halaman. Kailangang palalimin natin ang ating mga ugat, sipsipin ang sustansiya ng lupa, paramihin ang ating mga dahon at sanga, mamukadkad upang ipakita ang ating ganda. Ang nakalulungkot lang, ang ganoong pagsisikap ay hindi naman palaging nakikita sa ating buhay. Madali tayong mawalan ng gana dahil sa paulit-ulit nating mga gawain sa araw-araw. Mas madalas na laging iyon at iyon na lang ang ating ginagawa, na para tayong humihinga lang, kumakain, natutulog, ni hindi kumikilos upang linangin o paangatin ang ating karunungan upang mamunga ng magagandang bagay.

Sa mga pagkakataong iyon, kailangang hayaan nating magliwanag si Jesus, na isinilang sa unang Araw ng Pasko, sa ating mga puso. Kailangang lumalim ang ating mga ugat sa Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagninilay araw at gabi. Sa ganoong paraan tayo, tulad ng isang halaman na nakatanim malapit sa malinis na ilog, yayabong ang ating mga dahon bilang mga saksi ng dakilang pagmamahal ng Diyos na makaiimpluwensiya sa iba na mamuhay nang matuwid. Maligayang Pasko at Mabungang Bagong Taon!

MRT-3 GM Bongon, sinibak sa puwesto dahil sa nagkaaberyang escalator