Ni ERIC BORROMEO
MAINGAY na pinag-uusapan ngayon ang pelikulang Maratabat (Pride and Honor) na directorial debut ng batikang broadcast journalist na si Arlyn dela Cruz, isa ito sa mga entries sa Metro Manila Film Festival (MMFF) New Wave category.
“Nu’ng magpasya akong tuluyang pumasok sa larangan ng paggawa ng pelikula, isa ang tiniyak kong mananatiling totoo: na ang mga imaheng ipapakita ko at ang paglalahad ng kuwento ay nakabatay sa katotohanang alam ko, nakita ko, naranasan ko at kaya kong patotohanan bilang mamamahayag.
“Sa madaling salita, ang aking inspirasyon ay katotohanan. Maratabat mirrors the reality of politics not just in Southern Philippines but in most regions of the country,” pahayag ni Direk Arlyn tungkol sa kanyang pelikula.
“Sa mga nakapanood na ng pelikula, puwede nilang sabihing ito ay totoong istorya, simply because, in our society we have seen stories like that. I am only presenting it in a perspective that is not just based on social realities but based on ethnic and cultural realities,” dagdag pa niya.
Umaani ng magagandang review at papuri ang Maratabat, lalung-lalo na ang mga artista rito na sina Ping Medina, Julio Diaz, Kristoffer King, Richard Quan, Albert Fortuna, Chanel Latorre at Ms. Elizabeth Oropesa.
Kuwento ni Direk Arlyn, hindi si Ping ang orihinal na gaganap sa karakter ni Ronwaldo Mahardika, ang bida sa pelikula.
“Pero nu’ng makita ko siya... hindi pa nga kami magkakilala talaga nu’n, sabi ko, ‘Ikaw na! Ikaw na ang bida sa pelikula!’” aniya.
Mahusay na nagampanan ni Ping ang kanyang karakter, sa katunayan sa isang special screening ng pelikula, pinaiyak ng aktor ang kanyang ama, ang beteranong aktor na si Pen Medina.
Si Bb. Joyce Bernal naman ay nagpahayag ng paghanga sa pagganap ni Kristoffer King, nasabi pa nito na dapat ay mabigyan pa ng mas maraming proyekto ang aktor.
Sa mga papuring inaani ngayon ni Arlyn bilang filmmaker, simple lang ang kanyang reaksiyon: “I just want to channel truth both in my reportage and my films -- a calling and a passion. I love both! I see both reflection of life and both must reflect the truth about life.
“Nais kong manatiling isang daluyan ng katotohanan ng kung ano ang mga bagay na totoo sa ating kapaligiran. Para sa akin, ang pamamahayag at pelikula ay maaaring magkaugnay sa puntong kapwa sila dapat at nararapat na sumalamin sa totoong buhay,” aniya.