Nina BELLA GAMOTEA at MYRNA VELASCO

Magpapatupad uli ng big time oil price rollback ang mga kumpanya ng langis sa bansa ngayong Linggo ng madaling araw.

Sa anunsyo kahapon ng Petron at Pilipinas Shell, epektibo dakong 12:01 ng madaling araw ng Disyembre 21 magtatapyas ng P1.40 sa presyo ng kada litro ng kerosene, P1.35 sa diesel at P1.10 naman sa gasoline.

Hindi naman nagpahuli ang Eastern Petroleum nang magtapyas din ito ng P1.30 sa presyo ng diesel at P1.10 sa gasolina sa parehong oras.

Metro

Delivery rider, patay habang nakapila sa ayuda sa Marikina

Bandang 6:00 ng umaga ini-rollback ng Phoenix Petroleum sa P1.35 ang presyo ng kanyang diesel at P1.10 sa gasolina.

Asahan na ang pagsunod sa bawas-presyo sa petrolyo ng ibang oil company kahit hindi pa naglalabas ng abiso ang mga ito.

Ang bagong oil price rollback ay bunsod ng pagbaba ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ikinatuwa naman ng mga motorista ang patuloy na pagbaba ng presyo ng petrolyo lalo na ngang magsisiuwian sa mga probinsiya ang maraming biyahero.

Umapela naman ang mga driver ng pampublikong sasakyan partikular sa jeepney sa mga operator na ibaba ang kasalukuyang boundary upang makatulong sa kanila sapagkat bumaba na sa P7.50 ang minimum na pasahe.

Ito na ang ikatlong linggo ng serye ng oil price rollback, ayon kay Eastern Petroleum Chairman Fernando L. Martinez

Ani Martinez, malaki ang natitipid ng mga consumer sa serye ng bawas-presyo sa produktong petrolyo upang maipanustos sila sa mga bilihin ngayong panahon ng Pasko.