EBOLA TOLL: 6,583 ● Mahigit anim na libo na ang natitigok ng Ebola Virus sa Guinea Sierra Leone, at Liberia. Ito ang ulat ng World Health Organization (WHO) noong Sabado lang. May nakapag-ulat na noong Disyembre 10, pumalo na sa 6,583 ang namatay sa Ebola outbreak sa tatlong bansang pinakamalalang tinamaan ng nakamamatay na virus sa West Africa. Ayon pa sa datos ng WHO, may kabuuang 18,188 naitalang kaso ng pagkakasakit mula sa nabanggit na tatlong bansa.
Ang viral hemorrhagic fever ay unang natuklasan sa isang gubat sa rehiyon ng Guinea sa unang bahagi ng taon bago kumalat sa kalapit na Liberia at Sierra Leone kung saan may pinakamataas na bilang ng nahawahan, ayon sa WHO. Sa kasalukuyan, wala pang nade-develop na pamuksa sa naturang virus. Kaya naman doble ingat ang ating pamahalaan sa pagku-quarantine ng ating mga umuuwing kababayan. Umaasa na lamang tayo sa galing ng mga kinauukulan.
***
ROMANTIC? ● Mistulang ginawang “motel” ng isang magkasintahan ang metro system sa Moscow kamakailan at doon nila ginawa ang pagpapahayag ng rurok ng pagmamahal nila sa isa’t isa. Kaya iniutos ng mga awtoridad ang pagpapakalat ng seguridad sa mga lugar na bunga ng naturang insidente na unang beses lamang nangyari sa tanyag na subway dahil sa mga palamuti at mga chandelier. May mga mamamayan kasi sa Moscow na sub-culture enthusiasts na trip pasyalan ang mga tunnel na nagsasanga-sanga kapbialng ang metro rail system kung saan kinunan ng nabanggit na magkasintahan ang kanilang pagtatalik at saka ipinaskil sa mga social networking site. Dito kinuwestiyon ng mga netizen ang seguridad sa lugar. Gayunman, inanunsiyo ng metro management na magsasagawa sila ng spot checks sa buong sistema upang makita kung posible nga ang illegal access sa mga underground zone. Isa na sa kanilang susuriin ang mga ventilation shaft kung posible kang makaraan doon ang tao na pupuslit sa subway. Ang metro system ay 79 anyos na, at mahigit walong milyon katao ang gumagamit niyon araw-araw upang makaiwas sa matinding trapiko sa lungsod. May bersiyon nito sa Pilipinas kung kaya napakaraming bata ang matatagpuan sa mga lansangan. Ginagawa ring “motel” ang mga kariton, gilid ng mga gusali, bangketa, madidilim na pasilyo; mga nakaparadang jeep, taxi, at tricycle sa gabi.