Tatlo pang gintong medalya ang idinagdag ng taekwondo jins ng UAAP para sa Team UAAP Philippines na kumakampanya sa ginaganap na 17th Asean University Games sa Palembang, Indonesia.

Nagwagi laban sa kanyang Laotian opponent si Ateneo de Manila jin Francis Aaron Agojo sa finals ng men’s -57 kilograms para sa ikalawang gold medal ng delegasyon.

Sumunod naman sa kanya si UAAP Season 77 Rookie of the Year Aries Capispisan ng Universiy of Santo Tomas (UST) na nagkampeon sa men’s 80 kilogram category makaraang talunin si Mohamad Akmad Omar ng Malaysia.

Para sa ikaapat na gold medal ng taekwondo team, nagwagi naman ang Davao del Sur na si Sheryl Badol ng National University (NU) matapos manaig kay Sribuena Resmol ng Indonesia sa women`s 53 kilogram class.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Nauna nang nagwagi ng gold medal ang UST standouts na sina Rodolfo Reyes at Jocel Ninobla sa mixed poomsae event.

Bukod sa nabanggit na tatlong gold medals, nagwagi rin ng dalawang silver medals ang Pinoy jins na sina Korina Paladin ng UST at Arven Alcantara ng NU at isang bronze mula kay Joel Alejandro ng Ateneo.

Matapos ang aksiyon sa taekwondo, nagtala sa ngayon ang Team UAAP Philippines ng 4 gold, 4 silver at 4 bronze medals.

Sumunod sila sa Thailand na may 8 gold, 3 silver at 3 bronze medals habang pumangatlo naman ang Indonesia na may 3 gold, 5 silver at 3 bronze medals.

Ngayon pa lamang ay nagtagumpay na sa kanilang misyon ang koponan na nalagpasan ang 2 gold medals na nakubra ng Team Philippines noong 2012 sa Laos.

Habang isinasara ang pahinang ito ay lumalaban naman ang reigning UAAP women’s champion Ateneo kontra sa koponan ng Singapore sa women’s volleyball.