Sa dakong likuran ng aking bakuran, mayroon kaming tanim na puno ng kawayan. Naglilihi pa lamang ako sa panganay kong si Clint nang itanim ko iyon. Sa paglipas ng panahon, ngayong may matatag nang trabaho ang aking si Clint, sa dinami-rami ng mga bagyong sinapit ng ating bansa, naroon pa rin ang puno ng kawayan – nakatayong matatag, matibay, at waring hindi kumukupas.

Kung tutuusin, ang kawayan ay isang uri ng damo. Gayong tumataas ito nang higit pa sa karaniwang damo, itinuturing itong puno. Matatagpuan ang kawayan sa lahat ng bahagi ng mundo, sa iba’t ibang klima. Taglay nito ang kahanga-hangang katangian na minanipula ng sangkatauhan sa loob ng maraming siglo mula sa pagiging reinforcement para sa pagtatayo ng gusali hanggang sa pagiging pagkain para sa milyun-milyong katao sa Asia .

Nanatiling matatag ang kawayan magpahanggang ngayon. Dinanas na nito ang maraming unos, sa pinamamalulupit na ulan, baha, at hangin. Dahil sa paghihirap bunga ng hagupit ng iba’t ibang paghamon ng panahon, naging karakter na ng kawayan ang tibay at tagal.

Ipinangaral ni San Pablo na “Idinudulot ng pagdurusa ang karakter”. Ang paghihirap ay bahagi ng proseso na ginagamit ng Diyos upang magdulot ng magandang resulta sa ating buhay. Mainam ang mga dagok ng buhay para sa atin sapagkat kumakapit tayo sa Diyos sa mga panahong iyon. Hindi ba kapag may nangyayaring hindi maganda sa ating buhay, agad nating sinasambit ang “Diyos ko!”? Una tayong kumakapit agad sa Diyos sa mga panahong waring wala na tayong kapangyarihang kumontrol.

National

4.8-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Sur

Ginagamit nga ng Diyos ang ating mga pagdurusa upang tumibay ang ating karakter. Kaya kailangang manalangin tayo hindi lamang para sa ating ikagiginhawa mula sa mga pagdurusa kundi pati na rin ang ating pagiging bukas sa anyaya ng Diyos at sa Kanyang plano para sa atin. Sa gayon, tulad ng kawayan, tayo ay magiging matibay at matatag sa lahat ng uri ng unos ng buhay; na may kapayapaan sa lugar kung saan itinanim tayo ng Diyos.