NALUNGKOT naman kami sa nangyayari ngayon sa pamilya ng negosyanteng si Cristina Decena na hindi na nagagawang makapamasyal tulad nang dati.

Matatandaang tinambangan si Cristina kasama ang anak niyang lalaki noong nakaraang taon ng isang hired killer na umaming ipinapapatay siya ng mga kalaban niya sa negosyo.

Dahil dito, planong mag-migrate ng kanyang mga anak sa ibang bansa at sa katunayan ay naroon na ang isa at susunod na ang iba pa.

“Mahirap kasi rito, Reggs, wala kaming katahimikang mag-iina, hindi kami makalabas nang gusto namin, hindi kami makalabas nang hindi naka-bullet proof ang sasakyan, kailangan magkakasama kami o kaya ‘yung iba nasa bahay lang.

National

De Lima, nag-react sa pahayag ni Espinosa na si Bato nag-utos na idiin siya sa illegal drugs

“Hindi na kami makapag-malling na ginagawa rati namin ng mga anak ko, eh, hindi naman habambuhay na ganito, Reggs, kaya sabi ko sa kanila, masakit sa akin na magkakahiwalay tayo, pero kung kaligtasan naman ng bawat isa, eh, okay na ako kaysa malagasan ako ng anak o apo.

“Kaya inaayos lang namin ang mga papeles nila at doon na sila maninirahan, tutal may bahay naman kami sa abroad,” kuwento ng negosyante.

Maiiwan si Cristina rito kasama ang mga assistant at bodyguard niya dahil hindi naman daw niya puwedeng iwan ang mga negosyo niya.

“Dadalaw-dalawin ko na lang sila roon, Reggs, mas madali para sa akin na pumunta roon, kaysa sila ang dumalaw sa akin dito,” katwiran pa sa amin.

May pagkakataon na nang magkaroon ng bancheto sa may building nila sa Makati City at ay bumaba siya dahil gutom na gutom siya at bumili, huli na nang maalala niyang hindi pala siya puwedeng pumunta sa maraming tao.

“Bigla akong akyat, natakot akong bigla. Hindi kasi alam ng mga bodyguard ko na nakababa ako, nasalisihan ko sila,” natawang kuwento sa amin.

Samantala, masayang ibinalita ni Cristina na nasa ikalawang season na ang reality show nilang Business Flight kasama si Venus Raj sa GMA News TV (local Cable Channel 11 at Sky Cable Channel 24), 11:30 AM.

“Mataas ‘yung ratings namin kaya napunta na kami sa 11:30 AM slot, dati kasi 9 AM, tulog pa ang mga tao at nangangatok ako sa text, kaya nakadikit sa Balitang Tanghali.

“Sa first season, ipinakita ni Venus ‘yung buong Palawan, Japan, Shanghai, Beijing, Bangkok. Ipinapakita namin ‘yung success story ng mga OFW sa iba’t ibang bansa para maging inspirasyon sa lahat. Ipinakikita rin namin ‘yung mga pagkain ng bawat bansa, kultura, tanawin nila kung paano gagastahin ang pera roon,” kuwento ni Cristina.

Sa ikalawang season ay ipapakita nina Cristina at Venus ang Singapore, Los Angeles, Las Vegas, San Francisco, Mexico, at Japan ulit, may probinsiya na hindi pinapansin doon tapos Korea at Bangkok.

Tuwang-tuwa naman ang negosyante dahil sa ika-52 kaarawan niya kamakailan ay binigyan siya ng surprise party ng mga anak niya.

“Wala akong ideya talaga, sabi lang ng anak kong panganay, si Katkat, umakyat ako kasi may kliyente na gusto akong kuning endorser ng pagkain at dito raw kami magmi-meeting, kaya nagulat ako, bakit ang daming tao, nandito ka, ‘tapos ‘yung mga abogado ko at kaibigan. So, nag-sink in na sa akin na party ko pala ito,” naluluhang kuwento ni Cristina sa amin.