Makahihinga na ngayon nang maluwag si Acting DOH Secretary Janette Garin at AFP chief of staff Gen. Gregorio Pio Catapang dahil idineklara nang ang 133 military peacekeeper ay walang Ebola virus matapos ma-quarantine ng 21 araw sa Caballo Island matapos pagdating mula sa Liberia kamakailan. Bukod sa kanila, ang ilan pang Filipino peacekeepers na galing din sa West Africa ay dinala sa AFP Medical Center sa Quezon City ay idineklara ring walang ebola virus. Mayayakap na ninyo ang mga pamilya. Hindi na matatakot at iiwas ang mga senador o kongresista na makipagkamay kay beautiful Sec. Janette sa pangambang kontaminado siya ng nakatatakot na sakit bunsod ng pagpunta niya noon sa Caballo Island kasama si Gen. Catapang nang walang personal protective equipment. Nang dumalo siya sa pagdinig ng Senado kamakailan, may ilang senador na ayaw lumapit sa kanya o makipagkamay o makipag-beso-beso dahil natatakot na sila’y mahawa ng virus.

Ang Pilipinas, kasama ang Cambodia at India, ang mga bansang labis na tinamaan ng mga bagyo, baha, lindol at iba pang uri ng kalamidad nitong 2013, ayon sa report. Sa ulat ng Germanwatch, isang think tank na pinondohan ng German government, ang Pinas ang namumukod-tanging dumanas ng nakakikilabot na ngitngit ng kalikasan dahil may 6,300 tao ang namatay sa supertyphoon Yolanda. Marami pa rin ang hanggang ngayon ay hindi pa nakikita ang mga bangkay samantalang tinatayang may $13 bilyon ang pinsalang likha ng malakas na bagyo sa ari-arian, imprastraktura, pananim at iba pa.

Sana ang pagdalaw ni Pope Francis ay makapagdulot ng kaginhawahan at kapayapaan sa mga pamilya ng mga biktima ni Yolanda. Huwag sanang umepal dito ang mga pulitiko. Huwag pagsamantalahin ang pagbisita ng Papa.

Sa pagkamatay ng kapatid kong magsasaka noong Nobyembre 11, 2014, nais kong tumula ng ganito: “Hinahamon kita bunying kamatayan, magsagupa tayo sa patas na laban, ako’y malusog pa tayo’y magbakbakan, hindi kung may sakit saka sasalakay! (Tulad ng ginawa mo kay Daniel de Guzman, isang magsasaka na lupa ang buhay).
National

Sen. Bato, isiniwalat na nakiusap siyang dagdagan budget ng OVP: ‘Ayaw tayong pagbigyan!’