Kasama ang mga mambabatas at kilalang personalidad mula sa Region IV-A, pinangunahan ni Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang pagpapasinaya sa unang regional government center na maghahandog ng mga serbisyo ng DILG at iba pang ahensiya.
“Makikita natin dito kung ano na ang nagawa, ginagawa, at magagawa pa ng Pilipinas,” sinabi ni Roxas sa okasyong ginanap sa Calamba City, Laguna kahapon.
Tinatayang P2.5 bilyon ang halaga ng joint venture project ng pamahalaang lungsod ng Calamba at ng Alloy MTD (Meaning of True Development) Malaysia na magsisilbing “one-stop shop” para sa iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan para sa CALABARZON.
Ang Alloy MTD Malaysia ay nakabase sa Kuala Lumpur at may mga operasyon sa 14 na bansa sa Asya, kabilang na ang Pilipinas at iba pang bansa sa Middle East.
May 50 ahensiya ng national government ang magiging kabahagi sa “one-stop shop” na ito sa Barangay Mapagong, Calamba City.
Sinabi ni Roxas na makatutulong ito upang mabigyan ng mas maayos na serbisyong publiko ang mga nasa labas ng kabisera at upang mabawasan din ang mga taong naaabalang sadyain pa ang pagpunta sa Metro Manila upang makinabang sa mga serbisyong ito.
Makikita Rin sa bubuksang one-stop shop ang makabagong disenyo, mga kagamitan at pasilidad para sa higit na ikabubuti ng pagseserbisyo ng DILG at ng buong pamahalaan para sa taumbayan.
“Masasabi nating nagtagumpay tayo dahil makapupunta na ang mga mamamayan ng CALABARZON sa government center sa Calamba. Ito ang hinaharap ng Pilipinas,” dagdag ni Roxas.