Tatlo sa kinikilalang pangalan sa mixed martial arts sa Pilipinas ang muling tatapak sa loob ng octagon ng One Fighting Championship (One FC) sa darating na Disyembre 5.

Sina Eduard Folayang, Kevin Belingon, at Honorio Banario, mixed martial artists mula sa Team Lakay ay ilan sa mga Pinoy na sasabak sa aksiyon sa “One FC: Warrior’s Way” na idaraos sa Mall of Asia Arena.

Politics

'Tropang angat' De Lima, Robredo, Hontiveros, reunited sa isang kasalan!

Kilala rin sa tawag na “Landslide,” target ni Folayang, isang dating Southeast Asian Games wushu champion, na palawigin ang kanyang winning record sa One FC sa kanyang pakikipagharap kay Timofey Nastyukin ng Russia.

Matatandaan na ginapi ni Folayang ang Dutch na si Vincent Latoel noong Disyembre 2013 at ang dating One FC lightweight champion na si Kotestsu Boku noong nakaraang Mayo.

Marami ang nagsasabi na sakaling makuha ni Folayang ang panalo, malaki ang tsansa nitong humamon para sa isang title shot.

“It’s not for me to decide, kung magkakaroon ako ng title shot o hindi. It’s all up to One FC. Basta ako, my focus is on my bout on December 5,” ani Folayang sa open media workout ng Team Lakay sa Fight Factory sa Bonifacio Global City noong Martes.

“Ang maipapangako ko lang, ibibigay ko lahat ng makakaya. Lalaban ako para sa Pilipinas,” dagdag ni Folayang.

Sa kabilang dako, nakatuon naman ang pansin ni Belingon na makabalik bilang title contender sa kanyang pakikipagsagupa sa Japanese na si Koetsu Okazaki. Matatandaan na nalugmok si Belingon nang makatikim ito ng mapait na pagkatalo kay Dae Hwan Kim sa huli niyang laban para sa bantamweight division.

Haharapin ni Kim si Bibiano Fernandes sa main event bukas para sa kampeonato.

Samantala, kung mayroon man sa tatlong miyembro ng Team Lakay na nais na may mapatunayan, iyon ay walang iba kundi si Banario.

Nais ni Banario na makabangon mula sa pagkakabaon matapos ang nalasap na dalawang magkasunod na pagkatalo sa mga kamay ni Koji Oishi. Disyembre noong nakaraang taon nang maagaw mula sa kanya ang featherweight belt nang ma-knockout ni Oishi sa unang round ng kanilang laban.

Halos ganoon din ang naging pangyayari nang mabigo siyang makuhang muli ang titulo sa kanilang ikatlong pagtutuos nitong taon.

Ngunit hindi basta na lamang titiklop si Banario. Kanyang pinagpag ang alaala ng kanyang pagkagapi at muling tatapak sa loob ng octagon upang hamunin si Herbert Burns ng Brazil.

“My last two fights, the results were unexpected. Siyempre, malungkot ako kasi natalo ako,” ani Banario.