Nagulungan ng pampasaherong bus ang isang motorcycle rider sa Roxas Boulevard at NAIA Road sa Parañaque City at agad na namatay kahapon ng umaga.

Patay sa lugar ng aksidente si Rodel Darunday dahil sa matinding pinsala sa katawan matapos sumemplang ang sinasakyan niyang motorsiklo at minalas pang masagasaan siya ng Seven Sky Express Liner bus (TYM-816) na minamaneho ni Alberto Abatayog.

Sa inisyal na ulat ng awtoridad, sinasabing sumingit si Darunday sa lane ng bus pero sumemplang ang motorsiklo dahil madulas ang basang kalsada dulot ng magdamag na ulan.

Hindi naman napansin ni Abatayog ang pagsemplang ng motorsiklo kaya nagulungan pa ng bus si Darunday, na agad na namatay.

Metro

Magpinsang paslit nagkayayaang maligo sa lawa, nalunod

Sa pahayag sa pulisya ng mga testigo, nasa gutter umano ang motorsiklo habang may right of way ang bus nang mangyari ang insidente.

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad at nasa kostudiya na ng pulisya si Abatayog.