Coco Martin

MASAYANG-MASAYA si Coco Martin nang muling tanghalin bilang Pinakamahusay na Drama Aktor sa PMPC Star Awards para sa teleseryeng Ikaw Lamang.

Inaasahan ba niyang siya rin ang magiging best actor sa Metro Manila Film Festival awards night lalo na’t nabalitaan namin na panlaban na naman daw ang acting niya saFeng Shui na pinagbibidahan nila ni Kris Aquino?

“Hindi po, hindi ko naman hinahangad na ako ang mananalo sa filmfest as best actor. Hindi ko naman iniiisp ‘yun. Ang sa akin lang maging maganda ang kalabasan ng pelikula, and if ever manalo tayo, eh, malaking bonus na lang po ‘yun,” sey ni Coco nang makausap namin sa Solaire Hotel.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Habang papalapit ang Metro Manila Film Festival, lalo raw niyang nararamdaman ang sobrang pressure dahil kumita ng more than P200M ang orihinal na Feng Shui ni Kris Aquino, ang unang nag-set ng naturang record for horror movies.

Kaya ang dalangin ni Coco, kung hindi man mahigitan ay mapantayan nila ang record na naitala ng unang Feng Shui.

“Siyempre hindi naman po maalis sa amin ‘yun lalung-lalo na sa kaso ko. Sa totoo lang naman, eh, kaya ko ni-request kay Ate Kris at hindi ako nakapagpigil sa kanya kasi sabi ko nga hindi ko makakalimutan nu’ng pinanood ko ‘yung pelikulang ‘yun.

“Gandang-ganda ako sa pelikulang ‘yun. Kaya sabi ko nga, eh, nang magkita kami ni Ate Kris, na sana gawin din naman namin ‘yung- Feng Shui 2,” napatawang banggit ng numero unong drama actor ngayon.

Ilang buwan daw pagkatapos niyang irequest sa Queen of All Media ang Feng Shui 2,tinawagan siya ni Direk Chito Roño at ‘yun na nga, natupad ang pinapangarap niyang makagawa ng ganu’ng klaseng pelikula at kasama pa niya si Kris Aquino.

First time na nakatrabaho ni Coco Martin si Direk Chito Roño. Puring-puri niya ang attitude ni Direk Chito pagdating sa pagdidirek. Tuwang-tuwa siya sa suportang ibinigay sa kanya ni Direk Chito at ni Kris Aquino.

“Proud ako at nakasama ko sa movie ang isang Kris Aquino. Masaya at kumbaga, eh, nakakatuwa kasi maraming magagandang advice siyang itinuturo sa akin lalung-lalo na pagdating sa business at sa personal na buhay.

“Napakarami kong natutunan sa kanya na unti-unti ko nang nai-apply sa buhay ko,” masayang kuwento ng actor.

Dahil din Feng Shui 2 ay maraming adjustment siyang ginagawa lalo na sa pagdiriwang niya ng Kapaskuhan sa piling ng kanyang mga mahal sa buhay.

“Actually, pagkatapos na pagkatapos kong mag-taping ng Ikaw Lamang diretso agad ako sa shooting ng movie namin ni Ate Kris. Pero kahit nabago ang sked ko, eh, masaya kasi para sa akin, eh, sobrang blessing ito na dumating sa buhay ko.

“Ito naman talaga ‘yung ginusto ko, napakatagal din naman ng panahon na naghintay ako, naranasan ko na matagal na walang trabaho. Kaya ang mga ganito, ‘yung mga kusa na lang ibinibigay ng nasa Itaas, na dumarating sa akin, hindi ko na pinapa lampas,” nakangiting sambit pa ng sikat na alaga ni Biboy Arboleda.