Cast ng 'The Gift Giver'

PINAIYAK ng Dreamscape Entertainment ang mga dumalo sa special preview para sa ilang araw na episode ng “The Gift Giver” ng Give Love On Christmas special serye na ipapalabas simula sa Lunes, Disyembre 1 bago mag-It’s Showtime.

Tungkol kasi sa pamilya at magkakapatid na abala na sa kani-kanilang pamilya ang kuwento at pawang mahuhusay naman ang mga nagsiganap na sina Aiko Melendez, Dimples Romana, Carlo Aquino, Louise Abuel at Mr. Eddie Garcia. Si Jerome Pobocan ang direktor nila mula sa script ni Danica Mae Domingo.

Magkakapatid sina Aiko, Dimples at Carlo at ang batang si Louise naman ay ala-alaga ni Ka Eddie na mag-isang namumuhay sa probinsiya.

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS

Biyudo na at maysakit si Ka Eddie kaya’t hinihintay niya ang araw ng Pasko dahil makikita niya ang kanyang mga anak.

Nakakatawa kasi habang nagpupunasan ng luha ang entertainment press ay dire-diretso rin pala ang tulo ng luha nina Dimples at Aiko dahil naalala nila ang kani-kaniyang ama.

Sila na nga raw ngayon ang bagong ‘crying ladies’.

“Sorry ha, I started everything (umiyak) kasi sa soap na ‘to, makaka-relate talaga lahat sa bawa’t character namin,” simulang kuwento ni Aiko. “Ako talaga tinamaan dahil nga maagang kinuha sa akin ng Panginoon ang tatay ko, pero masaya ako dahil alam ko while I’m doing this soap, the Gift Giver, alam kong this Christmas, ang Papa Jimi (Melendez) ko po ay proud po sa akin dahil tinanggap ko po ito.”

“Ako naman, pinipigil-pigilan ko rin (umiyak) kasi my papa naman passed away when I’m 16 and my sister passed away about 4 years before that,” sabi naman ni Dimples.

“And this project, really for some reason, hindi ko nga alam kung ako lang ang maemosyon dahil buntis ako, pasensiya na po, ha. Ano kasi ‘to, very dear to my heart and in fact, I wasn’t expecting to do a teleserye until I gave birth. I was telling them nga (production) kasi buntis nga ako, so tinayming ko na patapos na ‘yung taon at wala na akong gagawin.

“But with this project, it just reminded me of how much pain I still have of losing my papa. Kasi everyday, tini-take for granted lang natin na nandidiyan lang ang magulang natin kasi busy tayo sa sarili nating pamilya, sa mga kailangan nating gawin para sa sarili natin.

“And when this project came along, parang siguro this is my papa’s way of telling me na ‘you know, it’s Christmas and I miss you.’ Something like that. This project hits the mark of the heart of the Filipino family whether you lost someone, you didn’t lose someone, the fact you miss somebody at some point in your life tuwing Pasko... ‘yun, eh. Bawat isa dito mayroon kang konekta.”

Wala namang maikuwentong sakit na nararamdaman sina Carlo at Louise dahil pareho pang kumpleto ang pamilya nila.

Tinanong sina Aiko at Dimples na panay ang punas ng mga mata kung naging mabuting anak ba sila at kung may pagsisisi ba sila ngayong wala na ang kanilang ama.

“Ito po ba ay workshop?” natawang tanong ni Dimples. “Ako kasi 16 lang (nang maulila sa ama), so you can imagine I really started working. Kasi my mama wanted me to work, work and my papa, we had the path na, ‘mag-school muna ako ha, tigil muna ako mag-artista’, sabi niya (papa), ‘okay-okay’

“Two months bago ako mag-college, nawala si Papa, actually aneurysm siya, that’s why maraming regrets sa akin kasi hindi ako nakapag-goodbye. So, tuwing may ganitong kuwento, malapit talaga sa puso ko and siyempre sa atin bilang artista, mas gusto ko po na maibigay ‘yung totoong nararamdaman ko.

“So ‘yung mga regrets ko lang as a daughter, hindi lang enough, akala ko kasi ang dami kong oras dahil akala ko marami akong oras, hinayaan ko lang. Hindi ako masyadong tumawag, hindi ako masyadong nangumusta, so ‘yun lang naman ‘yung mga regrets.

“Ang laking pasalamat ko kasi sa bawat ginagawa kong eksena ngayon, bago ko iarte or whatever I always have a silent corner kay papa, which I want to know if I do this, will I make him proud? If I do this, matutuwa ba siya sa akin? Ano ba’ng sasabihin niya sa akin, so kahit wala na siya, buhay na buhay siya sa akin,” naiiyak na kuwento ng aktres.

Madamdamin ang naging relasyon ni Aiko sa ama dahil tatlong buwan lang niya itong nakasama.

“Ako kasi, open book naman ‘yung naging relationship ko sa dad ko, Jimi Melendez. Hindi kami naging okay nu’ng una, pero ‘yung regret ko is noong naging okay na kami, three months after, kinuha siya ni Lord sa buhay ko,” unang pahayag ng aktres.

“Nag-Hong Kong kami, nandoon na ‘yung bonding namin ng tatay ko ulit. ‘Yung regret ko, ‘yung kuwestiyon ko kaya nga siguro ‘yung pagkakaiba ko ng personality hanggang sa ngayon is ‘yung bakit ganu’n, kung kailan lahat okay na, doon pa kinuha si Papa,” sabi ni Aiko na nasabayan ng pagtulo ng luha.

“Saka ‘yung papa ko, hindi naman siya namatay dahil sa sakit, eh. Namatay ang papa ko nanonood ng pelikula ko sa Cinema One, pinapanood niya ‘yung MMK, The Movie, na-choke ‘yung papa ko dahil naiyak siya sa eksena sa movie, so I missed him by five minutes sa hospital. So, ‘yung pakiramdam ko, ganu’n pala ako kamahal ng tatay ko, akala ko kasi nu’ng iniwan niya kami nu’ng bata kami, ‘pinagpalit sa ibang pamilya, ‘dinenay na may anak siya kasi, di ba dati ang uso kapag matinee idol ka dapat wala kang anak. That’s why nga nu’ng una akong i-launch, Paredes ang aking apelyido hindi Melendez kasi nga sabi ng tatay ko hindi kami puwedeng malaman na kami ‘yung unang pamilya.

“So hindi naging maganda ‘yung relationship namin, pero nu’ng okay na, sabi ko magiging mabuting anak ako kasi mahal ko tatay ko kasi naman sa itsura pa lang, halata naman na pinagbiyak kaming bunga, female version ako ako ng tatay ko.

“’Tapos nu’ng kinuha nga ‘yung tatay ko, nanonood ng pelikula ko, so feeling ko kasalanan ko pa na namatay ang tatay ko, bitbit ko ‘yun.

“Kaya nu’ng i-offer sa akin itong ‘Gift Giver’,” napatigil sa pagsasalita dahil nahihirapan nang huminga sa kakapigil ng iyak, “sabi ko, ‘para sa ‘yo ‘to, Papa kasi, sandali,” nabilaukan na, “baka ‘cause of death ko naman ‘to,” tawanan ang lahat sa sinabing ito ni Aiko.

Dagdag pa niya, “Papa, puwede ‘wag muna? Baka sundan ko footstep ng tatay ko, saka hindi pa kami tapos (ng taping), ‘Pa, ‘wag muna, marami pa akong bayarin, ‘tapos kinuha na ako ni Sir Deo para sa isang project. Para sa ‘yo to papa, bitbit ko naman Melendez, di ba?”