Bubuksan sa mga motorista sa Marso ang expressway na nag-uugnay sa Daang Hari Road sa South Luzon Expressway (SLEX) dahil inaasahang makukumpleto na ang konstruksiyon nito sa susunod na tatlo hanggang anim na buwan, ayon sa Ayala Corp.

Sinabi ni Noel Kintanar, ng AC Infrastructure, na matutupad ang target opening ng Daang Hari-SLEX Connector Road, na tinatawag na ngayong Muntinlupa-Cavite Expressway (MCX).

Sa kasalukuyan ay nasa 60 porsiyento na ang konstruksiyon ng kalsada na inaasahang aabot sa 80 porsiyento sa pagtatapos ng taong ito.

Magpapatupad din ng single-ticketing system para sa MCX, SLEX at Skyway sa pamamagitan ng isang kasunduan sa iba pang toll operator, ayon kay Kintanar.

National

Pagkaltas sa budget ng edukasyon at kalusugan, 'di magandang pamasko —Aquino

Sinabi pa ni Kintanar na makatitipid ng 30 minuto hanggang isang oras na biyaheng Muntinlupa-Cavite ang mga motoristang dadaan sa MCX. Ang bagong toll road ay 1.5 kilometrong mas maikli sa rutang Daang Hari-Alabang, Zapote patungong Makati City o tatlong kilometrong mas maikli sa rutang Commerce Avenue-Filinvest patungong Makati City.

Ang mga sasakyang Class 1 o mga pribadong kotse ay sisingilin ng P17 sa pagdaan sa apat na kilometrong MCX habang ang mga Class 2, gaya ng mga bus o truck van ay magbabayad naman ng P34. (Kris Bayos)