Sa aking palagiang pagbiyahe labas ng METRO MANILA tungo Visayas at Mindanao, may huni ng hinaing na nababalot sa tumitinding poot ang aking nasisipat tuwing nakikipag-usap sa mga politiko, kolumnista, komentarista, at ilang sektor-lipunan ng nasabing lugar. Lantad ang katagang “Imperial Manila” na kung uusisain ay isang palamuting insulto sa paghahari-harian ng mga Tagalog sa kapitolyo ng bansa upang ihampas sa buong Republika ang hindi patas na pamamalakad at hatian sa mga tanggapan ng Pamahalaan, pamumod-mod ng proyekto, pagparte-parte sa pondo ng kabang-bayan, kahit damay ang ibang bahagi ng bansa sa SARI-SARING kapalpakan ng Gobierno. Magawi kayo sa Cebu, kadalasang biruan ang pagdeklara ng “Independence” ng mga Cebuano.

Ganu’n din ang tudyo ng ilang bahagi sa Mindanao tungkol sa kasarinlan. Kaya kungyari nagpang-abot Cebuano at taga-Cagayan de Oro o Katimugang Mindanao, may tuksuhang namamagtan na magsama-sama at sabay-sabay na magdeklara ng kasarinlan! Ito din isang dahilan bakit, ang usaping Federalism putahe sa pondahan ng Charter Change na isinusulong ng ilang haligi sa Cebu at Davao City (Mayor Rodrigo Duterte) dahil tumitindi na ang kawalan gana, o dis-gusto, ng taga-Visayas at Mindanao sa makasariling palakad ng mga taga-Luzon. Hal. may pinalabas na estadistika si Senador Alan Peter Cayetano na karamihan sa mga proyekto o pagawaing-bayan (lokal o pinondohan sa ibayong-dagat) nakutuon sa Metro Manila at Luzon. At mismong taga-Mindanao nagtitimpi sa di-makatarungang paggawad ng halos P225B pisong pondo para sa Bangsamoro na pawang MILF ang magpapalakad, dahil inaanak ng Palasyo.

Paano ang ibang Pamahalaang Lalawigan? Ilang mga dapat mangyari o maganap sa 2016 ang mga sumusunod upang ang babala sa pagkakanya-kanya ay maibsan. Dapat: 1) Ang Bise-Presidente magmula sa Visayas o Mindanao 2) Patas ang bilang ng mga tatakbong Senador na kakatawan ng Visayas at Mindanao 3) Matitino at hihimayin ng Senado at sambayanan ang 3 papalit na Comelec Commissioners sa susunod na taon 4) Hindi na PCOS gamitin sa Pambansang Halalan kasi napapadali ang dayaan, at mga pekeng senador, bise-presidente at pangulo ang maaring maluklok. 5) Chop-chopin ang monopolyo ng dambuhalang Media sa Metro-Manila.
National

Sen. Bato, isiniwalat na nakiusap siyang dagdagan budget ng OVP: ‘Ayaw tayong pagbigyan!’