IDINAOS ang aming monthly departmental meeting sa isang smorgasbord restaurant (eat-all-you-can) sapagkat sabay-sabay na ipinagdiwang ng aming lady boss at dalawa pang kadepartment ang kanilang mga kaarawan. Sapagkat wala namang kontrol sa maaari mong kainin sa naturang restaurant, totoong maeengganyo kang kuman ng mas marami kaysa iyong kailangan. Siyempre, basta libre, para akong lalaki kung kumain. umabot din ako sa puntong ayoko na, at susuka na ako kapag sumubo pa ako kahit isang pirasong pagkain. Talagang punung-puno na ako. Ngunit naglabas ang mabait na waiter ng mga kupetang may lamang fruit salad. Hahayaan ko ba na mag-enjoy ang mga kasama ko at ako hindi? “Ah, waiter, isa ngang fruit salad, please.”

May ilan sa atin ang nagsasabi, bunga ng ating mga pag-uugali at mga pinipili sa buhay, “Punung-puno na ako. nakita ko na ang lahat ng nais ipakita sa akin ng Diyos; ang pag-ibig ko sa Kanya ay kasing-lalim ng abot ng aking makakaya; buo ang tiwala ko sa Kanyang mga pangako; nagbago ko na ako hanggang sa rurok ng aking pagkatao. Pinuno ko ng Diyos ang lahat ng aking schedule. Inihabi ko na sa aking diwa at puso ang Panginoon sa abot ng aking pagnanais.”

Ayon sa Mabuting Aklat, sinabi ni Jesus na yaong nagugutom at nauuhaw sa katuwiran ay bubusugin. nanalangin si San Pablo upang mapuno tayo ng kabutihan ng Diyos. Sina Jesus at San Pablo ay kapwa nangungusap tungkol sa walang patlang na paghahangad ng kasiyahan. Tinutukoy nila ang isang kagutuman na makuha ang lahat ng maibibigay ng Diyos – kasiyahan, pagunawa, kapangyarihan, atbp. Ito ang paghahangad na makita ang Diyos, ang higit na ibigin Siya, at maglingkod sa Kanya nang mas madalas.

Gaano man kalayo ang ating narating sa pakikipagrelasyon sa Diyos, laging mayroon pang matutuklasan tungkol sa Kanya at matatamasang biyaya. Sa paghahangad natin sa Diyos, para tayong umaakyat ng bundok na nagsisikap na makarating sa tuktok at doon matutuklasan na may marami pang kahanga-hangang bundok na aakyatin. Talo tayo kung kampante na tayo sa nararanasan nating pagpapala ng Diyos sa kasalukuyan. Parang kabusugan sa smorgasbord, na bigla kang nagkapuwang sa tiyan para sa isang kupetang fruit salad.
National

PBBM, tinanggap na pagbibitiw ni Napolcom commissioner Leonardo