Humarap sa matinding krisis ang mga anak ng Israel. Namatay ang kanilang leader na si Moises. Hindi nila malaman kung ano ang kanilang gagawin. Sino ang mamumuno sa kanila? Mamamatay na rin ba sila na nasa ilang?

Siyempre hindi. Patay na nga si Moises ngunit hindi ang Diyos. Sinabi ng Diyos sa bagong leader na si Josue kung ano ang susunod na gagawin: “Si Moises na aking lingkod ay patay na; ngayon nga’y tumindig ka, tumawid sa Jordan, ikaw at ang buong bayang ito, hanggang sa lupain na aking ibinibigay sa kanila, sa makatuwid sa mga anak ng Israel. Bawat dakong tutuntungan ng iyong mga paa, naibigay ko na sa inyo, gaya ng sinalita ko kay Moises.” At pagkatapos, sinabi pa ng Diyos ang salita ng katiyakan kay Josue: “Walang makatatayong sinomang tao sa harap mo sa lahat ng mga araw ng iyong buhay. Kung paanong ako’y sumakay Moises, ay gayon ako sasaiyo. Hindi kita iiwan ni pababayaan. Magpakalakas ka at magpakatapang na mabuti, sapagkat iyong ipamamana sa bayang ito ang lupain na aking isinumpa sa kanilang mga magulang na ibibigay sa kanila.”

Wala na nga si Moises ngunit naroroon pa rin ang Diyos. At ang Kanyang mga plano para sa Israel ay magpapatuloy.

Hindi ba napakaginhawa sa pakiramdam iyon? Kahit humaharap ang ating bansa sa maraming problema, mga kabiguan sa buhay, pumapanaw na mga mahal sa buhay, at tila wala nang nagmamalasakit sa kapwa, nariyan pa rin ang Diyos. Lagi natin Siya kasama at hindi Niya tayo pababayaan.

National

Pagkaltas sa budget ng edukasyon at kalusugan, 'di magandang pamasko —Aquino

Tadtad ka ba ng problema at alalahanin sa buhay? Nalulungkot ka ba, nawawalan ng pag-asa? Tandaan: Magtiwala tayo sa Diyos na buhay. Tulad ng pagsama niya kina Moises, Josue, at sa mga anak ng Israel, gayon din Siya sa atin. Hilingin natin ang Kanyang gabay, at mararanasan natin ang ginhawa ng kapayapaan.

Kapag nawala nang lahat sa atin maliban sa Diyos, matutuklasan nating sapat na pala Siya sa atin.