Mga drug addict!

Ito ang paglalarawan ng ilang opisyal ng militar sa mga miyembro ng Abu Sayyaf na kanilang nakasagupa sa bulubunduking lugar ng Sulu noong Biyernes ng hapon kung saan limang sundalo ang napatay.

Sa impormasyon na ipinalabas ng Armed Forces of the Philippines (AFP), 10 ang kumpirmadong patay sa grupo ng mga bandido kabilang ang kilabot na lider ng grupo na si Hairullah Asbang.

Dalawamput walo mula sa grupo ng mga sundalo at 20 sa Abu Sayyaf ang sugatan sa bakbakan sa paanan ng Mt. Tunggul at Bud Bunga sa hangganan ng Talipao at Patikul.

Eleksyon

TINGNAN: Listahan ng mga kandidato sa pagka-senador at party-list

“Bata ang hitsura pero mapusok. Hindi nila iniinda ang putukan. Maski tinamaan na at sugatan, sumusugod pa rin,” kuwento ni 1Lt. Michael Asistores, lider ng First Scout Ranger Regiment.

Suspetsa ng militar na humithit ng marijuana ang mga bandido nang matunugan nilang papalapit na ang tropa ng pamahalaan. “Mga addict sila!” ayon kay Asistores.

Nadiskubre din ng mga sundalo ang mga upos ng marijuana sa lugar na pinagtakasan ng mga bandido.

Nagsimula ang bakbakan dakong 1:50 noong Biyernes ng hapon nang paputukan ng mga bandido ang mga papalapit na sundalo, gamit ang mga assault rifle at machine gun.

Hindi batid ng mga Abu Sayyaf na napaliligiran na sila ng mga Army Scout Ranger kaya naipit ang mga bandido sa kanilang posisyon, kuwento ni Asistores.

- Elena Aben