Sa ikalawang pagkakataon, hindi pinayagan ng Sandiganbayan Fifth Division si dating Technology Resource Center (TRC) Director General Dennis Cunanan, na nahaharap ngayon sa kasong kriminal bunsod ng pork barrel scam, na makabiyahe sa ibang bansa.

Bagamat ito ay nakatakda nang lumipad sa United States noong Lunes, hindi nakaalis si Cunanan sa bansa matapos hindi pinagbigyan uli ng korte ang hiling nito na makabiyahe sa ibang bansa.

Sa isang resolusyon na nilagdaan ni Associate Justice Efren de la Cruz, Rodolfo Ponferrada at Rafael Lagos, kinatigan ng Fifth Division ang kahilingan ng prosekusyon na huwag payagan si Cunanan na makalabas ng bansa.

Iginiit ng Fifth Division na kinontra ng prosekusyon na makabiyahe si Cunanan dahil hindi napagtibay ng dating TRC chief ang kahalagahan ng kanyang pagbiyahe, at kailangan niyang sumipot sa korte sa tuwing ipatatawag sa pagdinig ng kaso.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

“After a careful deliberation on the respective positions of the parties, the Court fins the prosecution’s arguments to be meritorious and is, therefore, constrained to deny the motions of the accused,” ayon sa resolusyon ng korte na may petsang Nobyembre 10, 2014.