PINASALAMATAN nina ABS-CBN Chairman Eugenio “Gabby” Lopez III, President/ CEO Charo Santos-Concio, at ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation Inc. (ALKFI) Chairperson Regina “Gina” Lopez ang mga nagbigay ng donasyon sa ALKFI bilang tulong sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda.

“Ang inyong kontribusyon ay nakapagligtas ng maraming buhay at ngayon ay nagpupunla ng bagong simula,” sabi ni Gabby Lopez sa video plug ng pasasalamat na iniere noong Biyernes (November 7), isang taon matapos manalasa ang super bagyo.

“Inihahandog namin sa inyo ang taus-pusong pasasalamat sa inyong pagtulong, pakikiramay, at panalangin. Sa ngalan ng survivors ng Yolanda, ng lindol sa Bohol, at ng conflict sa Zamboanga, thank you. Ang babait po ninyo,” dagdag ni Charo.

Nag-ulat naman si Gina Lopez kung saan inilaan ng ALKFI ang nakalap na pondo na umabot sa mahigit P1 bilyon (in cash at in kind). Aniya, inilaan ang donasyon sa mga isinagawang relief operations (P2.64 milyon), mga programang pang-edukasyon at pagpapatayo ng mga silid-aralan (P184 milyon), pabahay (P225 milyon), at mga programang pangkabuhayan (P338 milyon).

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Bukod sa mga itinalagang lugar ng gobyerno sa ABS-CBN para sa pangmatagalagang rehabilitasyon na Dulag, Marabut, at Sta.Rita sa Leyte, at Basey sa Samar, nakarating din ang tulong sa mga kababayan natin sa Bohol, Cebu, Biliran, Antique, Aklan, Oriental Mindoro, Iloilo, Masbate, Capiz, Palawan, at iba pang bahagi ng Samar at Leyte.

Samantala, kasabay din ng paggunita sa unang anibersaryo ng bagyong Yolanda ay gumulong ang kilalang Teaching, Learning, and Caring (TLC) clinic and classroom-on-wheels ng DZMM sa Mayorga at Pastrana sa Leyte nitong nagdaang Biyernes (Nov 7) at Sabado (Nov. 8). Halos 2,000 residente roon ang nahandugan ng feeding program, serbisyong medikal, libreng reading glasses, at iba pa. Pinangunahan ni Bernadette Sembrano ang storytelling para sa mga bata.