Mga laro ngayon (Mall of Asia Arena):
8am -- Opening Ceremony
9am -- Arellano U vs. Mapua (w)
Perpetual vs. Jose Rizal (w)
St. Benilde vs. Letran (w)
San Sebastian vs. Lycuem (w)
San Beda vs. Emilio Aguinaldo (w)
Uumpisahan ng Perpetual ang kampanya nito para sa four-peat, habang target ng Arellano University at San Sebastian na agawin ang trono mula rito sa pagbubukas ng women’s volleyball competition ng 90th NCAA season sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang Lady Altas, na kinailangang dumaan sa butas ng karayom bago tinalo ang Lady Chiefs sa pamamagitan ng three-game rout, ay maglalaro wala ang MVP na si Royse Tubino at dating MVP na si Norie Jane Diaz.
“We lost our two veterans (Tubino and Diaz) but we’re still confident of our chances,” lahad ni Perpetual Help coach Sammy Acaylar na isa ring dating coach ng pambansang koponan.
Bunga nito, sasandal ang Perpetual sa starters na sina Jamela Suyat, Cindy Imbo, Anna James Diocareza, Shyrra Cabriana, Coleen Bravo, Lourdes Clemente at Vhima Condada upang punan ang puwang na naiwan nina Tubido at Diaz.
Para naman sa panig ng Lady Chiefs, pangungunahan sila ni CJ Rosario, kapatid ni UAAP Most Improved Player Troy Rosario ng National University, sa kanilang muling pagsubok na gawin ang kanilang nabigong misyon noong nakaraang taon na pagsungkit sa korona.
Ganito rin ang tatangkain ng Lady Stags na isang malakas na puwersa sa kompetisyon na igigiya ng multi-titled coach na si Roger Gorayeb at pangungunahn ng mga beteranong sina Gretchel Soltones at libero na si Alyssa Eroa.
Mag-uumpisa ang aksiyon sa paghaharap ng Arellano U at Mapua ganap na alas-9 ng umaga na susundan naman ng labanang Perpetual Help at Jose Rizal.
Makaraan ang tapatang St. Benilde-Letran, susundan naman ito ng paghamon ng San Sebastian sa Lyceum.
Ang mabigat na iskedyul ay tatapusin ng labanang San Beda at Emilio Aguinaldo College.
Ayon kay event chairman Peter Cayco ng Arellano U, si Tony Liao ng Shakey’s V-League ang magsisilbi bilang volleyball commissioner, habang si Efren Gaa naman ang kanyang deputy.