Hanggang ngayon, kabi-kabila pa rin ang sumisigaw ng katarungan, hindi lamang mula sa mismong mga nasasakdal kundi maging sa hanay ng mga nagsampa ng demanda. Nakaangkla ang kanilang pananaw sa mabagal na paggulong ng hustisya at sa sinasabing matamlay na pagpapatupad ng justice system. Ang mga usapin na nililitis sa mga husgado ay hindi lamang tungkol sa pamamaslang sa mga miyembro ng media kundi pati iba’t ibang karumal-dumal na krimen. Kabilang din dito ang maliliit na asunto na inihahanap din ng hustisya.

Dalawa sa maraming paraan ang inaakala kong makatutulong nang malaki upang mabawasan ang tinatawag na backlog sa ating mga hukuman. Ang pagdaragdag ng mga hukom o trial court judges, tulad nang binabalak ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno, ay lubhang kailangan upang malitis at madesisyunan ang santambak na mga asunto na nakabimbin sa mga humuman sa iba’t ibang panig ng bansa. Maliwanag na labis na ikinainip ng Punong Mahistrado ang mabilis na pagtalakay sa mga asunto at sa pagpapasiya ng mga ito. Dahil dito, maraming nahahabla ang nagdurusa sa mga bilangguan nang hindi man lamang naihaharap sa mga paglilitis. May mga pagkakataon na ang mga ito ay nagkakasakit na lamang sa paghihintay ng katarungan. Hindi ba may mga preso na matagal nang nakakulong subalit napatutunayang wala naman palang kasalanan?

Hindi rin dapat maliitin ang makabuluhang misyon ng Katarungang Pambarangay sa paglutas ng mga kaso sa mga komunidad. Simula nang ipatupad ang barangay justice system, ang lahat ng mga kaso ay idinudulog sa mga Sangguniang Barangay. Sa pamamagitan ng lupon tagapamayapa, ang anumang kaso o hindi pagkakaunawaan sa mga barangay ay nalulutas nang hindi na isinasampa sa mga husgado. Madalas kaysa hindi, nagkakaroon ng amicable settlements nang hindi na kinakailangang kumuha ng abogado. Dahil dito, nakatitipid ng bilyun-bilyong piso ang gobyerno, lalo na kung isasaalang-alang ang magastos na pagsasampa ng asunto sa mga husgado.

Dahil sa nabanggit na mga pamamaraan, hindi lamang bibilis kundi makatitipid pa tayo sa paghahanap ng katarungan.
National

15 katao nasawi sa pagkalunod sa kasagsagan ng Holy Week—PNP