LOS ANGELES (Reuters) – Sa kanyang pagtanggap sa pinakamataas na Hollywood human rights award, nanawagan ang octogenarian actor-singer na si Harry Belafonte sa kanyang mga kapwa artist at sa buong entertainment industry na gamitin ang kanilang impluwensiya upang ipamalas ang mas magandang bahagi ng sangkatauhan.
Sa harap ng star-studded audience at katabi ang matagal na niyang kaibigan at kapwa aktor na si Sidney Poitier, tinanggap ng 87-anyos na si Harry ang Jean Hersholt Humanitarian Award, isang honorary Oscar mula sa Academy of Motion Picture Arts and Sciences, para sa kanyang ilang dekada nang pakikipaglaban para sa karapatang sibil at humanitarian causes.
Ginawaran din ng honorary Oscars ang tatlo pang mahuhusay na artist at creator na nakaimpluwensiya nang malaki sa Hollywood: ang Irish actress na si Maureen O’Hara, na gumitna sa entablado sa edad na 94; ang Japanese animator na si Hayao Miyazaki, 73; at ang 83-anyos na French screenwriter na si Jean-Claude Carriere.
“To be rewarded by my peers for my work, human rights, civil rights, peace, let me put it this way: It powerfully mutes the enemy’s thunder,” ani Harry.
Tinawag niya ang mga artist na “the relevant voice of civilization” at umaasahang makatutulong ang mga gaya niya “[to] see the better side of who and what we are as a species”.
Bagamat mas nakilala bilang calypso singer, pero bilang aktor ay nagbida si Harry sa mga ground-breaking film na gaya ng Carmen Jones.
Nakatrabaho rin ni Harry si Martin Luther King Jr. sa civil rights movement, nakipaglaban siya para masugpo ang AIDS sa Africa, nag-volunteer bilang United Nations goodwill ambassador sa loob ng maraming dekada at ngayon ay nangangampanya upang matuldukan ang ang karahasan sa mga lungsod sa Amerika.
“He has been a warrior on the good side of the battlefield of social justice,” sabi ng aktres at kapwa aktibistang si Susan Sarandon, na nagprisinta ng parangal kay Harry.