Mga laro ngayon: (Cuneta Astrodome)

4:15pm -- Kia Sorento vs. Alaska

7pm -- Meralco vs. Talk ‘N Text

Panatilihing malinis ang kanilang kartada na magpapatatag sa kamnilang kapit sa solong liderato ang tatangkain ng Alaska sa pagsagupa nito sa baguhang Kia Sorento sa unang laro ngayong hapon ng nakatakdang double-header sa elimination round ng 2015 PBA Philippine Cup sa Cuneta Astrodome.

National

Sen. Imee, ‘di raw inimbestigahan FPRRD arrest para sumikat: ‘Labis-labis na nga sikat namin!’

Ganap na alas-4:15 ng hapon ang pagtutuos ng dalawang koponan na nasa magkabilang dulo ng team standings na susundan naman ng tampok na laro sa pagitan ng sister teams na Meralco at Talk ‘N Text sa ika-7 ng gabi.

Nakamit ng Aces ang kanilang ikaapat na sunod na panalo na nagluklok sa kanila sa solong liderato noong nakaraang Nobyembre 5 matapos pataubin ang dating nangungunang San Miguel Beer, 66-63.

Gaya ng kanyang ipinakita sa una nilang tatlong laban na naging dahilan upang mahirang siyang kauna-unahang PBA Pres Corps Player of the Week ng 40th season, nagpakita ng kanyang game-long hustle si Calvin Abueva habang nag-deliver naman sa crunch time si Jayvee Casio upang maisalba ang Aces kontra Beermen.

Bagamat inalat sa kanyang shooting, pinunan naman ni Abueva ang kanyang kakulangan sa pagkaldag ng 18 rebounds.

Katunayan, siya rin ang naging daan para sa game winner ni Casio sa nalalabing 33 segundo ng laro.

Kaya naman, siya muli ang aasahan ni coach Alex Compton upang pangunahan ang koponan sa hangad na ikalimang sunod na tagumpay laban sa Kia na naghahangad naming bumangon mula sa natamong apat na sunod na kabiguan matapos magwagi sa kanilang opening day game laban sa Blackwater.

Samantala, sa ikalawang laro, hangad naman ng Meralco Bolts na pumantay sa ikalawang posisyon kasama ng Beermen at ng Barangay Ginebra Kings sa kanilang pakikipagtuos sa kapatid na koponang Talk ‘N Text Tropang Texters.

Ngunit inaasahang hindi sila basta-basta papahintulutan ng Tropang Texters na target namang mahatak ang naitalang back-to-back wins kontra Rain or Shine at Kia sa tatlong sunod na panalo na mag-aangat sa kanila sa solong ikatlong puwesto.

Kasalukuyang nasa pang-apat na posisyon ang Tropang Texters ni coach Jong Uichico taglay ang barahang 3-2, panalo-talo kapantay ng Globalport at Rain or Shine habang nagsosolo naman sa ikatlong posisyon ang Bolts hawak ang barahang 3-1, isang panalo ang pagkakaiwan sa Kings at sa Beermen.