May nakikitang liwanag ang Kapisanan ng mga Broadkaster ng Pilipinas (KBP) na matutuloy ang debate nina VP Binay at Sen. Trillanes. Natapos na naming makuha ang posisyon ng Vice President, wika ng KBP, ang panig na lang ng senador ang aming aalamin. Dahil si Trillanes ang naghain ng resolusyon sa senado para imbestigahan ang overpriced na Parking Building na ipinatayo ng Vice-President at ng kanyang maybahay at anak sa panahong sila ay alkalde ng Makati, kaya siya, ayon mismo sa Vice President, ang kanyang hinamon na makadebate.

Pero, hindi si Trillanes ang nakakasakit sa kanya kundi si Sen. Cayetano sa mga imbestigasyon isinagagawa ng subcommittee ng Senate Blue Ribbon Committee. Kaya lang nga mahirap makaharap ang senador na ito kasi kung ano ang dami ng kanyang nalalaman ay siya namang bilis na lumabas ang mga ito sa kanyang bibig.

Pero matuloy man o hindi ang debate, hindi na mahalaga ito sa taumbayan. Nailahad na ng imbestigasyon ng sub-committee ng Senate Blue Ribbon Committee ang tunay na kalagayan ng proyekto. Nakaladkad na nga ang isyu sa mga ari-arian ni VP Binay sa Rosario, Batangas, Alfonso, Cavite at Tagaytay dahil sa mga ito raw napunta iyong overprice.

Mahalaga lang ang debate kay Vice President dahil dito niya maibibigay ang kanyang panig kahit sa limitadong paraan. Ang imbistigasyong iniiwasan niya ang pinakamaganda sanang lugar para rito dahil naririto ang lahat ng bumabatikos at nagbibintang sa kanya. Punto por punto niyong masasagot sana ito na walang limitasyon sa oras, hindi tulad ng debate. Pagbibigay na lang kay VP Binay ang debate ayon sa karapatan niya sa due process. Ang papel lang ni Trillanes dito ay tulungan siya sa paggamit ng karapatang ito.

‘Bakuna Eskwela’ program ng DOH, DepEd, aarangkada